MATALINO ka ba? Mahilig mag-aral o dili kaya ay laging nasa silid aklatan upang mag research? Paniguradong maeengganyo kang siyasatin ang lihim ng kubling silid na ito sa aklatan ng isang paaralan sa gawi ng Intramuros.
Hindi naman umano lahat ng nagtutungo sa silid aklatan ay nag-aaral. May mga naglili-gawan, mga natutulog, may ibat ibang transaksyon at may isang halimaw na nagtatago sa isang kubling silid at nag-aabang ng inosenteng masisila.
Noong una, hindi ako agad naniwala, dahil baka may layunin lang itong si Larry na nag kuwento sa akin ng pangyayaring ito na siraan ang kanyang paaralan.Ngunit napag-alaman kong hindi naman pala siya nag-aaral sa paaralang iyon kundi ang syota niyang si Rochelle.
Hindi naman mahigpit sa paaralang iyon. Sa katunayan, malimit mag punta roon si Larry upang maki-research. Ayon sa kanya, kulang ang pasilidad ng kanilang paaralan bukod pa sa marami talagang magagandang babae sa paaralang iyon.
Mas marami ang populasyon ng babae kaysa lalaki sa paaralang ito. Pati ang mga kurso ay tailor made sa babae at kaunti lang ang masasabing para sa lalaki. Sa pagkaka-describe ni Larry sa hitsura ng aklatan, napakaluwang nito at iba’t ibang aklat at mga babasahin ang matatagpuan.
Iba rin umano ang lokasyon ng silid para sa mga computer bagamat nasa loob din ito ng aklatan. May takdang oras ang pag re-research at ito ay hanggang alas siyete lamang ng gabi.
Nang araw na iyon, inabot silang dalawa ni Rochelle ng ganoong oras sa loob ng aklatan. Halos magkatulad ang uniporme ng pinapasukan niyang paaralan at ang uniporme ng lalaki sa paaralang iyon kaya hindi siya gaanong napapansin ng mga guwardiya.
May nakatakdang pagsusulit noon si Larry kinabukasan kaya subsob ulo siya sa pagri-research. Nang namimili siya ng mga aklat ay napansin niya ang isang tila bumukas na nakakubling maliit na lagusan sa gawing kaliwa ng aklatan.
Ipinakita niya iyon kay Rochelle at napagpasiyahan nilang buksan ang pinto at pumasok doon. Inakyat nila ang isang makipot na hagdan pataas, “Saan kaya ito papunta?” bulong ni Rochelle kay Larry. “Ewan natin, teka ikaw ang taga-rito ikaw ang dapat nakakaalam.”
Nang malapit na sila sa isang magkaharap na silid, natiyak nilang nasa ika-apat na palapag sila. Nakarinig sila ng tunog ng kadena at ingay na tila ba may bumangon sa pagkakahiga. Nagulat silang dalawa at upang hindi mapatili ang nobya ay tinakpan ni Larry ang bibig nito. Ipinasya nilang dahan-dahang bumaba.
Habang bumababa si Rochelle pabalik sa aklatan ay nasa likuran niya si Larry. Nakita ni Larry na tila may lumalabas sa nakapinid kanina ng pinto.Sumasayad ang kadena sa sahig at lumilikha ito ng ingay.
Agad silang bumaba at agad ipininid ang pintuan ng nasabing kubling silid. Madilim na sa aklatan. Akala marahil ng librarian o ng guwardiya ay wala ng tao kaya isinara na ito. Sino nga naman ang mag-iisip na may tao palang naiwan sa loob ng aklatan.
Habang pinipilit ni Larry na buksan ang pintuan upang sila ay makalabas, ang ipininid nilang kubling silid ay unti-unting bumubukas. Naririnig na nila ang tunog ng kadena na nalalaglag sa bawat baytang ng makipot na hagdan.
Pilit binubuksan ni Larry ang pintuan gamit ang isang maliit na alambre buhat sa kanyang spiral notebook. Nagtagumpay siya at nakatakbo sila ng palabas ng aklatan habang kasunod nila ang hindi maaninag at hindi nila mawari kung anong klaseng nilikha na may kadenang hinihila.
Madilim ang mga corridor at tila walang guwardiyang nagroronda ng mga oras na iyon. Napadaan ang dalawa sa may terasa kung saan mamamataan ang maliit na kalsada sa labas. Kakatwa namang walang sinumang tao o sasakyang nagdaraan ng mga oras na iyon.
Sa salaysay na iyon ni Larry, isang bagong kuwento ang narinig ko.Hindi ko akalaing may ganoong pangyayari o may ganoong nilikha sa nasabing paaralan. Napakataas kasi ng tingin ko sa pamantasang iyon.
Naalala ko ang kuwento ng isa sa mga dati kong nobya na nag-aral din sa pamantasang iyon. Ang kuwento niya ay maihahalintulad sa naranasang pangyayari ni Larry. Ngunit hindi niya tinumbok na halimaw, o maaaring hindi lang niya nakita talaga kung ano ang nilalang na nakatago sa kubling silid. Ang tiniyak lang niya sa akin, may itinatago sa nasabing kubling silid at nakakadena ito.
Baka aso lang ang nakita niya, ang wika ko noon at biniro ko pa siyang masyadong naglalaro ang kanyang imahinasyon at guni-guni. Ngunit sa kuwento ni Larry, muli ay napapaisip ako.
Kamakailan lang ay nagkaroon ng party sa bahay ng isa naming kapitbahay na may pinag-aaral din sa nasabing paaralan. Nagkukuwentuhan ang mga magkakamag-aral sa veranda ng bahay.
Tungkol pa rin doon sa pangyayaring iyon ang kanilang usapan. Ayon sa isang dalagita, hindi na nakauwi ang isa nilang kamag-aral na ginabi sa aklatan. Maaari kayang tuwing gabi ay naghahanap ng masisila ang halimaw na iyon? At natiyempuhan ang dalagitang naiwan?
Pagkatapos ng insidente, tila naglubay ang dalawa sa pagkukuwento tungkol sa bagay na iyon lalo sa mga kamag aral nila sa nasabing paaralan. Nanahimik na rin si Larry ngunit ayon sa kanya, sa tuwing maaalala niya ang pangyayaring iyon, hindi niya mapigilang mangilabot
Hindi kaya ang nilalang na nagtatago sa kubling silid ay kaanak ng may-ari na doon itinago dahil may diprensiya sa pag-iisip o may kakaibang sakit na sa halip na ipasok sa pagamutan ay doon na lamang itinago upang iligtas ang kanilang pangalan sa kahihiyan?
Ito ay ilan lamang sa naglalaro sa aking isipan upang bigyan linaw at interpretasyon ang kakaiba kong naranasan.
Kayo? Ano sa palagay n’yo?
Ang Wakas…