“Hindi pa humuhupa ang takot sa dibdib niya nang bitiwan siya ng manananggal at saluhin naman siya ng kamay ng kapre.”
“Hoy, BADONG, maanong tigilan mo na’ng pananakot sa mga pamangkin mo, ha?” anang kanyang ina habang nag-aalmusal sila isang umaga. “Nagsumbong sa “kin ang ate mo. Nilagnat daw kagabi si Let,” tukoy nito sa pamangkin niya.
Napangisi siya. Tinakot kasi niya ang mga pamangkin niya na may tiyanak sa banyo ng bahay ng mga ito. Nakatuwaan kasi niyang kuwentuhan ang tatlong pamangkin niya tungkol sa mga tiyanak.
“Yaan n’yo sila. Para tigilan nila ang paglalaro ng tubig kapag naglilinis sila sa hapon,” katwiran pa niya.
“Basta tigilan mo na. Mamaya ho, eh, magkasakit ang mga “yan sa kakapanakot mo. Malilintikan ka sa “kin.”
Likas na sa kanya ang manakot hindi lang sa mga pamangkin kahit sa mga kabarkada at sa mga bagong kakilala niya. Pero sa totoo lang ay wala naman siyang naranasan isa man sa mga kuwento niya tungkol sa mga aswang, lamanlupa, multo at kung anu-ano pang kababalaghan.
Noong minsan, birthday ng kaibigan niyang si Artemio. Medyo tinamaan na ito sa nainom na alak nang sabihin niyang may kaluluwang nakaakbay rito. Namutla ito sa takot. Gusto na sana niyang matawa ngunit pinigil niya dahil naniwala lahat ng kainuman nila. Kinilabutan umano ang mga ito.
At dahil nga naniwala ang mga ito na nakakakita siya ng mga di-pangkaraniwang nilalang na hindi nakikita ng ibang tao, ang balak niyang pagbawi sa sinabi niya ay hindi niya itinuloy. Sa halip, dinagdagan pa niya ang kabulastugang iyon nang sabihin niyang ilang espiritu ang kasama nila sa umpukan.
Nang minsan namang gabihin sila ni Artemio ay tinakot niya ito na may kapre sa daraanan nilang punong-mangga. Nagkataon namang may bahagyang usok sa itaas ng puno nang ituro niya rito ang kapreng sinasabi niya. Naniwala ito.
Kung anu-ano pang nakakatakot ang ikinu-kuwento niya sa barkada niya kapag nag-iinuman sila. At sa tuwina ay naniniwala ang mga ito sa kanya.
PAUWI na si Badong galing sa inuman isang gabi nang makaramdam siya ng panunubig. Walang pakundangang inihian niya ang punong-mangga na nadaanan niya. Itinataas na niya ang zipper ng kanyang pantalon nang makarinig siya ng maliliit at matitinis na hoses.
Napayuko siya nang maramdamang may humihila sa laylayan ng pantalon niya. Nanlaki ang mga mata niya sa takot nang mapagtanto niyang apat na tiyanak ang humihila sa laylayan ng pantalon niya! Ipinagpag niya ang kanyang mga paa para tumigil ang mga ito ngunit kinagat siya sa binti ng isa sa mga ito. Napahiyaw siya at ipinagpag uli ang kanyang mga paa, ngunit nanatili itong nakakapit sa pantalon niya.
“Bakit, natatakot ka?” anito na tumutulo pa ang dugo sa bibig. “Nananahimik kami pero ginagambala mo kami sa mga kuwento mo.” Galit na galit ito, kagaya ng tatlo pang kasama nito.
Noon niya nabatid na totoo ang mga nilalang na ito. Halos manginig ang buong katawan niya sa takot nang humilera ang apat na tiyanak sa harap niya. Tila susugurin siya ng mga ito. Bago pa makalapit ang mga ito ay iika-ikang tumakbo na siya. Narinig pa niyang naghagikgikan ang mga ito.
Nang sa tantiya niya ay nakalayo na siya ay sumandal siya sa isang puno. Nagtaka pa siya nang matanto na iyon din ang punong-mangga na inihian niya. Napakagat-labi siya dahil sa sakit ng binti niya. Malayu-layo rin ang tinakbo niya. Napapikit siya ngunit mabilis din siyang dumilat dahil nakarinig siya ng sumisingasing. Nanlaki ang mga mata niya sa takot nang makita sa harap niya ang isang tikbalang.
“Kumusta, Badong?” anito. “Nagulat ba kita? Nasaan na nga pala ang buhok na kinuha mo sa ‘kin? Di ba, ipinagyabang mo ‘yon sa umpukan noong nakaraang gabi?”
“H-hindi naman t-totoo na nakakuha ako ng buhok mo, yabang ko lang “yon,” nanginginig na tugon niya.
“Puwes, dahil sa panggagambala mo sa katahimikan ko, ako naman ang kukuha ng buhok sa ‘yo,” anito, saka hinaltak ang ilang hibla ng buhok niya. Sumingasing pa ito na animo tuwang-tuwa.
Pakiramdam niya ay natanggal ang anit niya. Saglit lang ay naramdaman niya na may dumadaloy na likido sa noo niya. Nang pahirin niya iyon ay natanto niya na dumudugo ang anit niya.
“Masakit ba, Badong?” tanong pa nito na may pangungutya sa tinig.
“Patawad. Hindi na ko uulit,” aniya rito, saka kumaripas ng takbo.
Hindi siya makapaniwala sa mga nakita niya. Napagtanto niya na totoo ang mga naturang nilalang na binuhay niya sa mga kuwentong inimbento niya. Nagsisisi siyang kinasangkapan niya ang mga ito sa kanyang mga ikinukuwento para lamang maging bida siya sa umpukan.
Mayamaya ay huminto siya sa pagtakbo. Pakiramdam kasi niya ay parang ang layu-layo na ng natatakbo niya. Subalit ganoon na lang ang pagtataka niya nang mabatid na sa punong-mangga uli siya huminto, kung saan siya sinalakay ng mga tiyanak at tikbalang.
Pinaglalaruan siya ng mga ito kaya hindi siya makaalis doon!
Pagod na si Badong at tumitindi na ang sakit ng binti at anit niya, bunga ng ginawa ng mga tiyanak at tikbalang.
Sumandal uli siya sa punong-mangga. Napapikit siya at pilit na pinagana ang isip para makaisip siya ng paraan kung paano siya makakaalis doon. Ngunit napadilat din kaagad siya nang makarinig siya ng pagaspas ng animo malaking ibon.
Kinakabahang nagpalinga-linga siya sa paligid. Ano na naman kaya ang tatambad sa harap niya? Parang puputok na ang dibdib niya sa takot.
Nasagot kaagad ang katanungan niya nang mapatingala siya at makitang pababa ang lipad ng isang babaeng kalahati ang katawan. Isang mana’nanggal!
Nanlilisik ang mga mata nito nang titigan siya. Walang sabi-sabing kinalmot ng mahahabang kuko nito ang mukha niya. Napasigaw siya sa sakit na dulot niyon.
“Ganyan ang mga napapala ng katulad mo. Nananahimik ako pero binubuhay mo ako sa mga kuwento mo,” galit na sabi nito. “Pag hindi mo kami tinigilan, hindi lang iyan ang aabutin mo,” banta pa nito.
“Utang-na-loob, patawarin mo ako. Para mo nang awa,” pakiusap pa niya rito.
Walang sabi-sabing binitbit siya nito sa magkabilang braso niya at lumipad ito paitaas. Nanlaki ang mga mata niya nang makita niya ang kapre na panay ang hitit ng tabako. Parehong-pareho ito sa deskripsyon na ikinuwento niya sa mga kakilala niya!
Hindi pa humuhupa ang takot sa dibdib niya nang bitiwan siya ng manananggal at saluhin naman siya ng kamay ng kapre.
“Ikaw pala ang pangahas na gumising sa amin. Hindi mo ba alam na ginambala mo kami? Nananahimik na kami. Lapastangan ka!” anang kapre na dumadagundong ang boses sa buong paligid.
“Patawarin n’yo na ‘ko,” pakiusap niya rito. Kung panaginip lang ang lahat ng iyon ay gusto na niyang magising.
Sa halip na sumagot ay hinawakan siya nito nang mahigpit. Nagpapalag siya ngunit lalong humigpit ang pagkakahawak nito sa kanya na animo pipigain siya.
“P-parang a-awa mo na. P-pakawalan mo na ‘ko. Hindi na ‘ko uulit. P-pakiusap.” Hindi na siya makahinga dahil lalo pang humigpit ang pagkaka-hawak nito sa kanya. Hanggang sa magdilim na ang lahat sa kanya.
NAGMULAT ng mga mata si Badong nang maulinigan niyang may mga nagsasalita sa tabi niya.
“Ano ba ang nangyari sa ‘yo, Badong?” tanong ni Artemio. Nasa likuran nito ang ilan pang kabarkada niya at ilang matatanda na tagaroon sa kanila rin. “Hinanap ka namin dahil sabi ng nanay mo ay hindi ka raw umuwi.”
Hindi siya nakasagot dahil naramdaman niya ang hapdi at kirot sa kanyang anit, mukha, at binti.
Nanlaki ang mga mata niya nang kapain niya ang kanyang mukha at madamang may sugat nga siya roon. At nang kapain naman niya ang kanyang ulo ay mamasa-masa pa sa dugo ang kanyang anit. Napatingin din siya sa pantalon niya na may bahid pa ng dugo.
Iisa lang ang ibig sabihin niyon, totoo ang mga naganap sa kanya nang nagdaang gabi, hindi iyon masamang panaginip lang.