affiliate marketing

Pages

Dugo Ng Mangkukulam

Hindi siya makahuma sa matinding pagkatakot, lalo na nang magsimulang maglabas-masok sa bibig nito ang mahaba at napakatulis na dila nito.

HALOS kalahating oras na yata sa embalming table ang bangkay ng isang matandang babae pero hindi pa rin ginagalaw ni Nestor. Nakatingin lang siya rito habang may hindi maipaliwanag na kabang nararamdaman. Pitumpung taong gulang na ito at atake sa puso ang ikinamatay. Kaninang umaga pa ito namatay pero nang mahawakan niya ito mga ilang minuto pa lang ang nakararaan ay mainit at malambot pa ito.

Kasama niya sa embalming chamber ang kapwa niya embalsamador na si Tony nang dalhin doon ang bangkay ng matanda upang ayusin. Maraming kuwento si Tony tungkol dito.

Ayon kay Tony, mangkukulam daw ang matandang babae. Mismong isa raw sa mga naging biktima nito isang kuwarenta anyos na babae na ang asawa ay namatay sa mahiwagang sakit ang nagpunta sa punerarya kanina upang alamin kung talagang patay na ang matanda. Galit na galit daw sa matanda ang naturang babae pati na ang mga kasama nitong kamag-anak. Kung ang mga ito raw ang masusunod, susunugin na lang ng mga ito ang bangkay ng matandang babae upang matiyak na hindi na uli ito mabubuhay at makakapaghasik ng lagim. Naawat lang daw sa panggagalaiti ang mga ito nang dumating ang ilang kamag-anak ng patay.

Hindi raw mangkukulam ang matandang babae, ayon sa mga kamag-anak nito. Kung totoo raw na mangkukulam ito, bakit hanggang ngayon ay buhay pa raw ang mga kaalitan nito? Kung may kapangyarihan daw talagang pumatay ang matanda nang hindi ito nag-iiwan ng ebidensiya, hindi ba dapat ay patay na ang lahat ng kagalit nito at lahat ng may atraso rito?

Na lohikal lang naman para sa kanya. Kung totoong may mga mangkukulam nga na kayang pumatay nang walang iniiwang ebidensiya, hindi ba dapat ay kabi-kabila na ang mga taong bigla na lang nabubuwal at namamatay o bigla na lang dinadapuan ng mga nakamamatay na karamdamang kahit ang pinakamagaling na doktor sa buong mundo ay hindi kayang tukuyin at gamutin?

“Hindi gano’n “yon,” naiiling at nangingiting wika ni Tony sa kanya kaninang kausap niya ito. “Totoo ang mangkukulam, pare. Pero hindi nila kayang mambiktima o pumatay maya’t maya. Sa mga pelikula at komiks lang nangyayari yong may mangkukulam na araw-araw ay may pinapatay o pinahihirapan.”

Ayon pa rin kay Tony, sa totoong buhay, ang mga mangkukulam daw, pagkatapos ng isang seremonya ng pangkukulam ay nasasaid ang lakas at kapangyarihan. Isang taon daw ang kailangang palipasin bago nito mabawi ang lakas at kapangyarihan nito. Saka lang daw uli nito kayang magsagawa ng ritwal ng pangkukulam o pambabarang. Kapag tinangka raw ng isang mangkukulam na pumatay ng dalawang katao o higit pa sa isang taon ay ikamamatay raw nito iyon.

Hindi nakapagtataka na interesado si Tony sa bangkay ng matandang babae, na may mga alam ito tungkol sa kulam. Galing ito sa isang lalawigan kung saan napapabalitang naglipana ang mga mangkukulam. May ilan na nga rin daw itong kamag-anak sa probinsiya nanabiktima ng mga mangkukulam. Pinalad lang na hindi mangamatay. Hindi naman daw lahat ng mangkukulam ay kayang pumatay. Ang iba raw ay kaya lang magbigay ng sakit o karamdaman na tumatagal lang nang ilang araw.

“Pero “yan daw,” ani Tony na nakaturo kanina sa matandang babae na hubad na nakahiga ngayon sa harap niya. “Mabagsik daw na mangkukulam yan. “Pag gusto mo raw mamatay ang taong ipakukulam mo sa loob lang ng dalawa o tatlong araw, “yan daw ang puntahan mo.”

Sinimulan na niyang paliguan ang bangkay ng matandang babae. Marami na siyang nalinis na bangkay ng matatandang tao ngunit kakaiba ang katawan ng “mangkukulam” na ito. Kulubot na kulubot at tuyung-tuyo na ang halos buto’t balat na katawan nito. Parang dalawandaang taon na ang edad nito sa sobrang pagkakulubot ng katawan nito.

Dahil sa nakita ay muli niyang naalala ang ikinuwento ni Tony. Hindi rin daw gumagamit ng manyika ang mangkukulam na ito. Sariling dugo raw ang ginagamit nito sa pangkukulam. “Bibigyan ka niya ng ilang patak ng dugo niya at ihahalo mo “yon sa pagkain ng gusto mong kulamin. Sa sandaling inakain iyon, dadapuan na ito ng isang mahiwagang sakit. Iba-iba ang klase ng karamdamang ibinibigay ng mga mangkukulam sa kanilang mga biktima upang hindi raw agad matukoy ng mga tao kung sino ang bumiktima rito,” sabi pa nito kanina sa kanya.

Minsan daw, inuuod ang loob ng katawan ng isang biktima kahit buhay pa.

May dahilan din daw kaya gusto ng mga taong biktima ng pangkukulam na sunugin hanggang sa maging abo na talaga ang mga bangkay ng mangkukulam. May mga mangkukulam daw na kapag namatay ay hindi nawawalan ng kapangyarihan. May roon pa raw na lalong tumitindi ang kapangyarihan.

“Gaya ng mangkukulam na “yan,” sabi pa ni Tony sa kanya kanina na ang matandang babae pa rin ang tinutukoy. “May bagsik pa rin ang dugo niyan.”

Kaya dapat daw na maging maingat siya sa pagtatanggal ng dugo ng matandang babae sa katawan nito. Hindi raw nila alam, baka madikit lang daw sa balat niya ang dugo ng naturang mangkukulam ay may masama nang mangyari sa kanya.

Hindi pa rin siya naniniwala na mangkukulam ang matandang babae na nang mga sandaling iyon ay nililinis at pinepreserba niya ang katawan kahit kailan naman ay hindi siya naniwala na totoo ang kulam at kahit pa araw-araw siyang kuwentuhan ni Tony ng tungkol sa mga mangkukulam ay hindi pa rin siya maniniwala rito. pero naging maingat nga siya habang inaalisan ng dugo ang bangkay ng matandang babae. Iniiwasan niyang matuluan o matilamsikan siya ng kahit gapatak na dugo nito.

Nasaid na niya ang dugo sa katawan ng matanda nang may mapansin siya sa sahig.

May malaking patak ng dugo.

Napakamot siya sa ulo. Ang akala niya ay naging maingat na siya nang husto. Sinipat pa niya ang mga braso niya dahil baka sa kanya galing ang dugo, pero wala naman siyang sugat. Sumulyap siya sa matanda. Walang dudang ito ang nagmamay-ari ng dugong nasa sahig.

Naghahanap siya ng basahang puwedeng ipunas sa dugo kahit nakaguwantes siya ay ayaw pa rin niyang hawakan ang dugo nang may mapansin siya roon.

Gumagalaw-galaw at pumipintig-pintig iyon.

Napaatras siya sa matinding pagkagulat. Muntik pa niyang matabig at maitumba ang sisidlang pinaglagyan niya sa dugo ng matanda.

Pero agad ding huminto sa paggalaw ang dugo.

Sinipat uli niya iyon, sinigurong hindi na talaga gumagalaw. Hindi na nga. Pero hindi agad niya inalis ang kanyang tingin doon. Inabangan niya kung muling pipintig iyon. Pero hindi na uli nangyari iyon. Gumalaw ba talaga ang nasabing patak ng dugo? May kapangyarihan ba talaga ang dugo ng matandang babaeng ito? O namalikmata lang siya dahil ayaw niyang alisin sa kanyang isip ang mga kuwento ni Tony? Napaglaruan nga lang siguro siya ng kanyang mga mata.

Nang ibalik niya ang kanyang tingin sa matanda, lalo lang siyang nayanig dahil nakita niyang nakadilat ang dalawang mata nito. Kung naiba-iba siya, baka kumaripas na siya ng takbo palabas. Pero embalsamador siya. Marami na siyang karanasan pagdating sa mga bangkay. May mga bangkay talaga na nakapikit na dinadala sa kanya pero habang nililinis niya ay biglang dumidilat. Ang isa sa mga iniisip niyang dahilan niyon ay dahil baka natagtag ang katawan nito kasama na ang ulo nito habang tinatanggalan niya ng dugo o habang nililinis niya kaya napuwersang dumilat ang mga mata nito. May kalabuan ang senaryong iyon pero posible pa ring mangyari.

Isinara agad niya ang mga mata nito.

Nang ibalik niya ang kanyang tingin sa dugo, halos mapatalon siya sa pagkagulantang.

Dahil nakita niyang pumipintig-pintig na naman iyon.

Huminto uli iyon nang matirigan niya. Pinag-lalaruan na naman ba siya ng mga mata niya o talagang nakita niyang gumagalaw ang patak ng dugo? Sinulyapan uli niya ang matanda. Imahinasyon lang ba niya iyon o talagang may nakaguhit na matipid na ngiti sa mga labi nito nang mga sandaling iyon?

Naghagilap siya ng botelya. Maingat at bahagyang may nginig ang mga daliri na isinilid niya roon ang kimpal ng dugo na iyon. Kung totoong mangkukulam ang matandang ito, may mapaggagamitan siya ng dugo nito. May kinamumuhian siyang ilang tao na ikasisiya niya kung mamamatay at mabubura sa ibabaw ng lupa.

Ngunit kaya nga ba niyang pumatay?

Kahit minsan ay sobrang hirap ng buhay niya at ng pamilya niya, hindi pa niya naisip gumawa ng kasalanan. Kahit simpleng pandaraya lang sa kapwa. May sa demonya yata talaga ‘tong matandang ‘to. Pati ako dinedemonyo, iiling-iling na sabi niya sa isip. Itinago niya ang botelyang kinaroroonan ng dugo at ipinagpatuloy ang pagpeprepara sa bangkay.

Pag-uwi niya, pasimpleng ibinulsa niya ang botelyang may dugo.

Itinago niya iyon sa isang lugar sa bahay na sigurado siyang hindi makikita ng mga kasama niya roon. Patulog na siya ay nagdadalawang-isip pa siya kung gagamitin ang dugo o ididispatsa na lang.

Hanggang sa makatulog siya ay wala siyang nabuong desisyon.

NANG bandang madaling-araw, naramdaman na lang ni Nestor na may nakakubabaw na matandang babae sa kanya.

Ang matandang mangkukulam!

“Tutulungan kitang magdesisyon,” wika nito sa boses na tila galing sa isang napakalalim na hukay. Nakangisi ito. Halos nakadikit na sa mukha niya ang tadtad ng kulubot na mukha nito. Amoy-napakalansang dugo ang hininga nito. Wala ito ni anumang saplot sa katawan. Dahil noon lang niya ito nakitang ngumanga, noon lang niya napansin na matutulis palang lahat ang mga ngipin nito.

Buto’t balat na lang ang matanda pero napakabigat nito habang nakadagan sa kanya. Pinasisikip nito ang dibdib niya kaya halos hindi siya makahinga. Nais niyang tabigin ito paalis sa pagkakadagan sa kanya ngunit hindi niya maigalaw ang alinman sa mga braso niya.

“Gamitin mo ang dugo ko,’ payo nito. “Patayin mo lahat ng taong kinamumuhian mo. Patayin mo lahat ng taong nagpapahirap at nagpapalungkot sa buhay mo. Madali mong magagawa iyon. Walang makakaalam na ikaw ang salarin. Maniwala ka sa `kin. Napakasarap sa pakiramdam ang pumatay nang alam mong hindi ka mahuhuli, nang alam mong hindi mo pagbabayaran ang kasalanang iyon.”

Hindi siya makahuma sa matinding pagkatakot, lalo na nang magsimulang maglabas-masok sa bibig nito ang mahaba at napakatulis na dila nito. Kung magagawa man niyang maibuka ang bibig niya nang mga sandaling iyon, ang humiyaw at humingi ng saklolo ang gagawin niya.

“Kailangan nga lang na palitan mo ang tulong na ipagkakaloob ko sa `yo,” patuloy nito. Kumikiskis ang dila nito sa leeg niya, dinidilaan ang tumatagaktak na pawis niya roon. “Dugo ang kinuha mo sa “kin, kaya dugo rin ang ipapalit mo sa “kin. Ang dugo mo.” Kasunod niyon ay naramdaman niya ang pagtusok at pagbaon ng dila nito sa leeg niya.

Pagkatapos ay sinimulan nitong higupin ang dugo niya.

NAGSISISIGAW na nagising si Nestor.

Lukob ng matinding takot ang buong pagkatao na bumalikwas siya ng bangon mula sa kanyang higaan. Nag-iisa lang siya sa kuwarto. Binuksan niya ang ilaw. Sinalat niya ang leeg niya, walang sugat doon. Sinapo niya ng palad ang kanyang mukha. Lintik na matanda ‘yon, sinamahan ako hanggang sa panaginip, nangingilabot pa ring sabi niya sa sarili.

Para sa kanya, kinumpirma ng panaginip niyang iyon na alagad nga ng diyablo ang naturang matanda. Pinunasan niya ang tumatagaktak na pawis sa katawan niya bago tinungo ang kinaroroonan ng botelyang pinagsidlan niya sa kimpal ng dugong galing sa matanda.

Gumawa siya ng malalim na hukay sa likod-bahay nila at ibinaon doon ang botelyang may dugo. Titiyakin niya na walang makakagalaw roon. Pababasbasan at padadasalan niya iyon mamaya sa pari. Hihilingin niya sa may-ari ng punerarya na ganoon din ang gawin sa dugong kinuha niya mula sa matanda.