affiliate marketing

Pages

Panaginip

“Tulungan ninyo akooo!!!” muling palahaw ni Armina. Subalit tulad ng nauna niyang paghingi ng saklolo, walang tumugon sa kanya.

“Sige tatawagan kita kapag nakausap ko na si Bining. Pero kailangang sigurado ka sa gagawin mo. Walang atrasan ‘to,” paniniyak ng babaing kausap ni Armina.

“O-oo. Naka-pagdesisyun na ako. Salamat.”

Iyon lang at nakipaghiwalay na si Armina sa babaing kausap. Napabuntong-hininga siya nang malalim. Salamat at nakahanap na rin siya ng solusyon sa kanyang problema.

Nag-leave siya sa trabaho sa araw na iyon dahil nga sa kinakaharap niyang suliranin. Ngayon ay uuwi na lang siya sa tinitigilang apartment at magpapahinga buong araw.

Ilang minuto rin siyang maglalakad patungo sa terminal ng jeep.

Nang mapansin niya ang isang babaing nakatayo sa isang poste na kanyang madaraanan. Naroon lang ito sa kanyang kinatatayuang lugar, nakatayo at waring hinihintay siyang dumaan. Nang mapatapat siya sa babae ay kitang-kita niya ang malungkot na mukha nito habang titig na titigsa kanya.

Aywan niya kung bakit parang kinabahan siya sa pagkakatitig na iyon ng babae. Waring alam nito ang kanyang pakay sa lugar na iyon. Hindi niya kakilala ang babae at sigurado siyang ngayon lang niya nakita iyon.

Bumilis ang kanyang paglalakad. Nang lumingon siya sa likod, wala na ang babaing nagdulot ng kakaibang kaba sa kanyang dibdib.

Minabuti niyang iwaksi na lang sa isipan ang babaing nakita. Hindi naman iyon makatutulong sa kasalukuyang problema niya. Ang kailangan ngayon ay mapaghandaan niya ang sinabing desisyon sa kausap na babae kanina.

Nang makasakay siya ng jeep ay pilit niyang ipinikit ang mga mata. Nais niyang kahit papaano`y magkaroon ng katahimikan. Ang mga nakaraang linggo ay naging magulo para sa kanya. Sadyang humugot siya ng lakas ng loob para lamang magpunta sa lugar na iyon. Wala siyang ibang pakay kungdi ang matapos na ang kanyang problema sa lalong madaling panahon. Dahil sa kanyang kalagayan. batid niyang hindi niya kakampi ang panahon.

Nagpahinga lang si Armina sa apartment sa buong maghapon. Ni hindi rin niya ginalaw ang mga trabahong iniuwi niya. Ayaw muna niyang mag-isip ng ibang bagay. Naka sentro ang kanyang isip sa problemang kinakaharap at ang hakbang na kanyang gagawin. upang solusyonan ito.

Nang biglang mag-vibrate ang hawak niyang cellphone. Ang babaing kausap niya kaninang umaga ang tumatawag.

“Hello, Claudia…” may kaba sa dibdib niyang pagbati sa kausap na nasa kabilang linya. “Ano na ang balita?”

“Okay na, Armina. Bukas daw. eksakto alas otso ng umaga. Kaya mag punta ka rito ng mga seven, ha.”

“Sige.. .darating ako. salamat.”

Napapikit nang mariin si Armina habang kapa ng isang kamay niya ang dibdib. Masasal ang tibok ng kanyang puso.

Nang mula kung saan ay biglang lumitaw ang imahe ng isang babae. Nakalutang sa ere ang babae at may sanggol itong kalong sa mga bisig.

Binalot nang matinding gimbal ang buong pagkatao ni Armina. Matitinis na sigaw ng paghingi ng saklolo ang umalingawngaw sa loob ng apartment. Subalit waring walang nakakarinig sa palahaw niyang iyon.

Pakiramdam niya ay tatakasan siya ng katinuan ng isip. Gusto niyang tumakbo upang takasan ang kahila-hilakbot na tagpong iyon subalit nanginginig ang buong katawan niya. Nanlalambot ang mga tuhod niya.

Sa gitna ng hilakbot, napagsino niya kung sino ang babaing bigla na lang lumitaw sa kanyang harapan. Ito ang babaing nakita niya noong umaga pagkatapos na makausap niya si Claudine upang ihanap siya ng hilot.

Two-months pregnant si Armina sa kanyang boyfriend at nang malaman ng huli ang kalagayan niya ay hindi na ito nagpakita sa kanya. Litung-lito siya kung anong gagawin hanggang naisipan niyang ipalaglag ang bata. Iyon na lang ang kanyang gagawin upang masolusyonan ang kanyang problema.

Batid niyang hindi magtatagal at mapupuna na ng mga kasamahan niya sa opisina ang kanyang kalagayan. At ayaw niyang mangyari iyon dahil inalagaan niyang mabuti ang kanyang reputasyon. Kilala siya ng mga kasamahan na isang babaing maprinsipyo at hindi gagawa ng anumang bagay na lihis sa kagandahang asal. Tapos ngayon ay malalaman ng mga ito ang nangyari sa kanya. Hindi na niya hahayaang umabot pa sa ganoon. Ang hilot ang tanging solusyon na nakita niya para sa mabigat niyang problema.

“Tulungan ninyo akooo!!!” muling palahaw ni Armina. Subalit tulad ng nauna niyang paghingi ng saklolo, walang tumugon sa kanya.

“Kung ayaw mo ng iyong anak…ibigay mo siya sa akin,” animo’y galing sa hukay ang tinig na iyon ng babae. “Namatay ako at ang aking sanggol nang ipalaglag ko siya. Pinagsisisihan kong lahat ang aking ginawa. Hu hu hu !!!.”

“Halika samahan mo kami ng iyong sanggol. Halika…”

“Hindiiii!!!Hindiiii!!

Habol ni Armina ang paghinga nang magising sa pagkakahiga sa sofa.

Panaginip. Isang kahila-hilakbot na panaginip lang ang lahat.

Kinapa niya ang bahaging iyon ng tiyan. Napaiyak siya at buong pagsisising humingi ng tawad sa sanggol na nasa sinapupunan niya.

Patawarin mo ako anak. Mahal na mahal kila at kahit tayong dalawa lang…haharapin natin ang hamon ng mundo, aniya sa sarili.

Nang tumawag si Claudine ay hindi na niya ito sinagot. Hindi na niya itutuloy ang balak na pagpapalaglag sa kanyang anak.

Matapang niyang hinarap ang pagkakamaling iyon sa kanyang buhay. Isisilang niya ang sanggol sa kanyang sinapupunan kahit wala itong kikilalaning ama.

Simpatiya at hindi mga panlalait ang tinanggap niya sa mga kasamahan sa opisina nang ipaalam niya sa mga ito ang kanyang sinapit.

Malaki ang pasasalamat ni Armina sa babaing nagpakita sa kanya sa panaginip. Hindi man niya batid ang tunay na nangyari sa babaing iyon, ipinagdasal na lang niya ang kapayapaan ng kaluluwa nito at ang kaawa-awang sanggol na kasama nitong inilibing sa hukay.

Pinukaw nito ang kanyang kamalayan sa napakalaking kasalanang muntik na niyang gawin. Ngunit isa na lamang leksyon sa kanya ang mga nangyari dahil ngayo’y mas pinatibay siya ng mga karanasang iyon.

Kasama ang sanggol sa kanyang sinapupunan. magsisimula siyang muli. Haharapin nilang dalawa ang mga hamon ng buhay.