Pagpasok na pagpasok ni Yaya Malou ay agad niyang isinara ang pinto. Napahiyaw ang lalaki nang maipit ang kamay nitong dadakma sana sa braso ng yaya. Napahumindig ang babae nang makitang balahibuhin ang mga daliri ng lalaki at mahahabang matutulis ang mga kuko nito…
BASTA masama ang loob ni Archie ay sumasaglit siya sa sementeryo mula sa eskuwelahan. Nagpapalipas siya ng ilang sandali sa harap ng puntod ng yumaong ina. Nagsusumbong siya na para bang buhay ito at nakikinig sa bawat pagsusumbong niya.
“Mommy, alam mo po… wala na ‘yung dating girlfriend ni daddy. ‘Yun pong parang clown kung mag-make up. May bago na naman po… ‘yung parang cheerleader kasi ang iksi-iksi kung manamit!”
Napalabi si Archie. Nangilid ang luha sa mga mata. Ipinatong ang baba sa mga tuhod at pinagsalikop ang mga braso dito.
“Pero mas seksi at mas maganda ka sa kanya, mommy! Totoo ‘yun. Promise. Saka iba ka talaga. Kasi love na love mo ‘ko!” Napahikbi na ang bata. Isinubsob ang mukha sa dalawang tuhod.
Pero saglit lang. Biglang napaangat ang mukha ni Archie nang maramdamang may dumaan sa kanyang harapan.
Luminga-linga siya Nagtaka siya dahil wala namang tao sa paligid. Muli siyang napayuko pero agad na namang napaangat ng ulo nang muling maramdaman ang hanging dumaan.
Wala siyang makitang ibang tao. Mainit ang panahon. Wala ngang kahangin-hangin.
Kinabahan na siya. Agad niyang dinampot ang mga gamit sa damuhan at nagmamadaling tinalunton ang palabas ng sementeryong iyon.
“ARCHIE!” Malayo pa ay sumisigaw na nang tawag si Yaya Malou nang makitang hangos siyang papalabas ng gate ng sementeryo.
Hindi nawala ang takot ni Archie. Lalo kasing niyang natiyak ngayon na niyang hindi ang yaya ang dalawang beses na dumaan kanina sa harapan niya. Gawi na kasi ng yaya na sundan siya sa sementeryo kapag nawawala siya o tumatakas kaya para puntahan ang puntod ng ina.
“Taranta kami ng daddy mo nang sabihin ng drayber ng school service na nasalisihan mo na naman ang konduktor! Mabuti’t may ideya kami kung saan ka lagi pumupunta!” galit na sabi ng yaya na agad kinuha ang bag ng alaga.
Tulad ng dati, galit ang isinasalubong ni Aldrin sa nag-iisang anak nang dumating ang mga ito sa bahay.
“Delikado ‘yang ginagawa mo! Sampung taon kapa lang! Hindi mo pa kaya pangalagaan ang sarili kung sakali!” sermon ni Aldrin kay Archie
“Sabi po noon ng mommy, hindi raw ako dapat matakot sa patay… sa buhay daw ako dapat matakot!” katwiran niya sa ama na nagngi-ngitngitang loob.
“‘Yan na nga’ng ibig kong sabihin! Paano kung may maligaw na masasamang tao roon?! Ano’ng magagawa mo? Eh tumakbo lang ay nadadapa ka…”
“Nandoon naman po si Mang Teroy. Mag kaibigan po kami. Lagi nga niya akong hinahatid sa gate at pinasasakay ng traysikel pauwi rito.” Si Mang Teroy ang sepulturero sa sementeryo.
Hindi pinansin ni Archie ang anak. Sa halip ay binalingan si Yaya Malou. “Yaya, Simula bukas, sasama ka na sa school service sa pagsundo sa alaga mong ‘to!”
“O-opo, Sir Aldrin!” sagot ng tagapag-alaga.
HINDI pa rin napigil si Archie. Para makatakas sa yaya at muling makadalaw sa ina, lumiban na siya ng klase.
“Alam mo, mommy… mula nang naging girlfriend ng daddy si Cheerleader, di na siya lagi umuuwi ng bahay. Palagay ko po.. .nagtanan na sila!” -
Napangiwi si Archie nang may dumakma sakanya sa magkabilang balikat at sapilitan siyang itinayo.
“Alas dos pa lang ng hapon… bakit naririto ka na, Totoy?!”
Napaatras siya sa takot nang makita ang mabagsik na anyo ng lalaki. Halos lumuwa ang dalawang mata nito kung tumingin sa kanya.
“Umuwi ka na, Totoy!” Iwinasiwas ng lalaki ang mga kamay bilang pagtataboy sa bata.
Hintakot na dinampot ni Archie ang bag at nagmamadaling nilisan ang puntod ng ina.
Nagtataka siya kung bakit may hawak na piko ang lalaki na may bakas pa ng dugo sa dulo. At bakit suot nito ang paboritong stripe blue T-shirt ni Mang Teroy na may malaking butas sa kili-kili?
Ito na ba ang bagong sepulturero?
Sa halip na lumabas ng gate, bumalik si Archie. Lumigid siya sa kabilang bahagi ng sementeryo patungo sa maliit na bahay ni Mang Teroy.
Sarado ang bahay. Kumatok siya at malakas na tinawag ang kaibigang sepulturero. Nang walang sumasagot, itinulak niya ang hindi nakakandadong pinto.
Nagitla ang bata nang makitang naliligo sa sariling dugo si Mang Teroy. Wasak ang bungo nito.
Dali-dali na siyang lumabas ng bahay at patakbong tinalunton ang daan palabas ng sementeryo.
“Saan ka pupunta,Totoy?” sigaw ng lalaking may dalang piko.
Tumakbo uli pabalik si Archie. Na agad namang napahinto nang makitang may isa pang lalaking nag-aabang sa kanya sa di kalayuan.
Wala na siyang pagpipilian kundi ang sumampa at ang magpalipat-lipat sa mga nakahilerang nitso. Pagod na pagod na siya sa kalulundag kung kaya’t bumaba na siya at naghanap nang mapagtataguan. Isang lumang nitso na sira na ang takip ang napiling pasukin ni Archie. Nagsiksik siya sa loob noon.
TARANTA na ang lahat sa eskuwelahan nang datnan ni Yaya Malou. Nalaman ng dalaga na nagpaalam lang daw sa titser na magtutungo sa restroom si Archie pero hindi na ito nakabalik. May palagay silang nasalisihan nito ang guwardiyang nagbabantay sa gate ng paaralan.
Nagpasama na si Malou sa isa pang guwardiya para maghanap sa sementeryo.
Pinuntahan na nila sa bahay nito ang sepulturero nang makitang wala si Archie sa puntod ng ina. Natakot din sila sa natuklasang krimen. Agad na tumawag sa presinto ang guwardiya.
Samantala ay nangangatal na sa takot at pawisang-pawisan si Archie sa loob ng nitso. Diring-diri pa siya sa masangsang na amoy. Kahit madilim, tiyak niyang isang bungo ang nahawakan niya kanina nang pagapang siyang magsiksik sa loob noon.
Gustuhin man niyang lumabas ay hindi rin pupuwede dahil makikita siya ng dalawang lalaking naghahabol sa kanya. Naka istambay lang ang mga ito sa labas ng isang mausoleo na nasa harap mismo ng puntod na pinagtataguan.
“Grabe sa takbuhan ang batang ‘yon! Natakasan tayo!” dinig na dinig niyang wika ng isa. “Kailangang makuha na agad nila sa vault ang abo ng arkeologo. Baka makapagsumbong pa sa mga pulis ang bata!”
“Hayan na sila!” narinig niya eksayted na sabi ng isa
“Nakuha na namin ang abo!” Narinig niya ang sigaw nagaling sa bandang mausoleo.
Nakahinga si Archie nang marinig ang huni ng mga police patrol sa labas ng sementeryo.
“Mga pulis! Takbo na!” sigawan ng mga lalaki.
Halos hindi siya humihinga nang dumaan sa harapan ng nitso ang apat. Pero maya-maya lang ay narinig niyang bumalik ang mga ito.
“Napapaligiran nila tayo! Ano’ng gagawin natin sa abo?”
“Itago na muna natin para sakaling mahuli man tayo, ang mga kasamahan na lang natin ang kukuha rito!”
“Tama! Kailangang maibigay na ito sa lider natin bago bumilog ang buwan!”
Hindi inaasahan ni Archie na sa mismong nitsong pinagtataguan itatapon ng mga lalaki ang bakal na kahong pinaglagyan ng abo ng sinasabing arkeologo ng mga ito.
Sa lawak ng naturang sementeryo, nailigaw at natakasan ng apat ang mga pulis.
Sinamantala ni Archie ang pagkakagulo ng mga pulis sa kubo ni Mang Teroy. Tumalilis siya para makauwi. Kandahingal siya nang marating ang kanilang bahay.
Wala pa si Yaya Malou nang makauwi siya. Ang kasambahay nilang si Ana ang nadatnan ng bata
“Ba’t ganyan ka karumi, Archie?! Saan ka ba nagsusuot, bata ka?!” nagtatakang tanong ng kasambahay.
“N-naglaro ako sa playground sa bayan!” pagsisinungaling niya.
At para hindi na matanong pa, nagmamadali siyang nagtungo sa kanyang silid. Inilapag niya ang napakabigat na bag sa ibabaw ng kama at nagdudumaling tinungo ang banyo at naligo.
NIL AGNAT si Archie kinagabihan.
“Painumin mo agad ng gamot, Malou. At huwag mo munang papasukin bukas,” narinig niyang sabi ng ama na sumilip sa silid nang malamang nilalagnat siya..
“Opo, sir…” sagot ng yaya.
Sinundan na lamang ng tingin ni Archie ang amang lumabas ng silid. Nasaktan siya. Hindi na nito tinanong kung bakit nilagnat siya. Balewala na talaga siya sa kanyang daddy. Paano, naghihintay na kasi si Cheerleader sa kuwarto nito. Sabi kasi ng yaya niya kanina, nagpakasal na raw ang dalawa isang linggo na ang nakararaan.
Hindi nalingid kay Malou ang damdamin ni Archie. Kilalang-kilala na niya ang bata. Siya ang nag-alaga Simula nang ipanganak ito. Saksi rin siya kung paanong naapektuhan ang mag-ama nang mamatay sa kanser ang amo niyang babae isang taon pa lang ang nakararaan.
Mabuti para kay Aldrin at nakatakas na ito sa kalungkutan dahil nakakita na ng bagong pag-ibig. Pero si Archie, hindi pa. At iyon ang hindi nakikita ng ama nito.
“Matulog ka nang gumaling ka agad…” hinaplus-haplos ni Yaya Malou sa pisngi ang alaga bilang pang-aalo.
Pero tulad ni Archie ay napatingin din ang yaya sa bintana nang lumitaw ang anino ng isang lalaki. Napatili sila nang akma itong papasok sa nakabukas pang bintana. Niyakap ni Malou ang alaga.
Paglingon niya ay wala na ang lalaki.
“Ano ‘yon, Malou?!” hangos na tanong ni Aldrin na napasugod sa silid nang marinig ang tili ng yaya at anak.
“M-may lalaking gustong pumasok sa bintana! Di ko masyadong namukhaan dahil madilim!”
“Bukas na bukas din ay kukulitin ko na ang maglalagay ng mga grills dito.” Isinara na at ikinandado ni Aldrin ang mga bintana. “Ikandado n’yo muna ito hangga’t wala pang grills.”
KINABUKASAN ay laman ng balita sa telebisyon ang nangyaring nakawan sa mausoleo.
Doon daw inilibing ang kamamatay lang na arkeologo. Nakuha raw ng apat na magnanakaw ang bakal na kahong pinaglagyan ng sinunog na labi nito. Nagtataka raw ang pamilya dahil wala naman daw ginto o kayamanan na kasama ang abo nito pero bakit pinag-intresan pang nakawin.
Napansin ni Malou na napaawang ang mga labi ng alaga habang nanonood ng balita.
“Y-Yaya, nasa akin po ang bakal na kahon!” amin ni Archie.
“Ano? Paano napunta ‘yo?!” gulat na tanong ni Yaya Malou. “Saka ang bigat-bigat nu’n. Paano mo nadala?”
Napilitang magtapat nang totoong nangyari si Archie. “Bago po ako lumabas ng nitso, kinuha ko ang bakal na kahon kahit sobrang bigat!”
Hangos na kinuha iyon ni Archie sa ilalim ng kama.
“Diyos ko, Archie, nasundan ka ng mga iyon dito! At ito tiyak ang pakay ng lalaking iyon kagabi!” Nandidiring kinuha ni Malou sa loob ang kahon.
“Yaya, narinig ko pong sabi ng isa… kailangan daw maibigay ito sa lider nila bago magkabilugan ng buwan!” Bakas sa mukha ni Archie ang takot.
Sumigid ang di maipaliwanag na kaba kay Malou. May sa-demonyo yata ang lider na iyon! Agad na inangat ni Malou ang awditibo para sana tumawag sa mga pulis. Pero putol ang linya.
Nahagip ng paningin niya ang isang naka-unipormeng lineman na bumababa sa posteng nasa labas lang ng kanilang main gate. Iyon tiyak ang nagputol ng kawad ng telepono nila!
Kinabahan na si Malou. Baka isa iyon sa mga magnanakaw na nagpapanggap na lineman. Ngayon siya nagsisisi kung bakit hindi siya nahilig sa cellphone.
“Huwag na huwag mong buksan ang bintana, Archie! At huwag kang lalabas dito!”
Hangos na lumabas si Malou at hinanap ang kasambahay na si Ana. Makikitawag siya sa cellphone nito.
Naabutan niyang parang wala sa sarili ang dalagitang lumalakad patungo sa main door. Sa labas ng bintana, nakatayo ang isang lalaking malalim ang konsentrasyong nakatingin kay Ana.
Hipnotismo!
Ginagamitan ng lalaki ng hipnotismo ang dalagita para buksan ang main door.
“Huwag, Ana!” pasigaw na saway ni Malou. “Huwag!” Ngunit huli na. Tumilapon pa si Ana nang pabalyang buksan ng lalaki ang pinto.
Patakbong bumalik sa kuwarto ni Archie si Malou. Habol naman siya ng lalaki.
Pagpasok na pagpasok niya ay agad niyang isinara ang pinto. Napahiyaw ang lalaki nang maipit ang kamay nitong dadakma sana sa braso ni Malou.
Napahumindig siya nang makitang balahibuhin ang mga daliri ng lalaki at mahahabang matutulis ang mga kuko nito.
Muli niya itong binuksan at pabalyang isinarang muli at ikinandado.
Tarantang-taranta si Malou. Napakataas ng mga pader ng bakuran kaya hindi tiyak maririnig ng mga kapitbahay ang paghingi niya ng tulong.
Dinaluhan na lamang ni Malou ang alagang nanginginig na at umiiyak sa takot sa isang tabi.
Malakas namang binabalya ng lalaki ang pintuan. Alam ni Malou na hindi ito titigil hangga’t hindi nakukuha sa kanila ang kahon.
Kinuha niya ang kahon sa ilalim ng kama at ubod-lakas na ibinato sa salamin ng bintana.
Basag ang salamin. Diretso sa labas ang kahon. Nakalas ang lock nito at nabuksan nang malakas na tumama sa pader. Pagbagsak ay kumalat sa damuhan ang abo.
Kitang-kita ni Malou na umusok ang abo nang tamaan ng sikat ng araw. Kasabay nang unti-unting paglalaho ng usok ay isang malakas naungol.
AYON sa imbestigasyon ng mga pulis, nasa excavation site sa isang bansa sa South America ang arkeologo nang mamatay sa kagat ng paniki. Hindi na raw ito pina-autopsy ng pamilya. Agad na pinasunog ang labi ng arkeologo at inuwi sa Pilipinas.
Ay on naman sa bersyon ng mga dating kasamahan noon ng namatay, isang bampirang paniki ang kumagat sa arkeologo.
Pero sa nangyaring nakawan, kumalat na ang haka-hakang baka isang totoong bampira ang kumagat sa arkeologo. Pinasundan sa Pilipinas ang abo nito. Ipinapakuha para buhayin sa kabilugan ng buwan nang makapiling na ng mga kauri nito.
Anuman ang totoo, ang mahalaga ay namulat si Aldrin sa mga pagkukulang nito kay Archie. Unti-unti ring napalapit ang loob ng bata sa madrasta. Mabait naman pala ito at pag ngumiti ay kahawig ng yumaong ina ang singkit na mga mata.