Unti-unting nagbago ang kanyang anyo. Tinubuan ng makakapal na balahibo ang kanyang mukha at katawan. Nagmukha siyang mabalasik na aso.
May kilala ba kayong tao na labis ang galit sa buwan? Ganoon si Hildo, ang kaibigan ng pinsan ko. At hindi siya nagkait na ibahagi kung ano ang lihim sa likod ng pagkagalit niya sa buwan.
SA MGA nakasama at naging kaibigan ko, si Hildo lang ang taong nakilala kong sobra ang pagkagalit sa buwan. Sa katunayan, kapag may buwan, hindi siya naglalalabas ng bahay.
“Maraming nalilikha ang buwan na ikinapa-pahamak ng tao,” ang sabi niya sa akin nang usisain ko siya tungkol doon isang araw. “Kung puwede nga lamang paglahuin ko iyon sa kalangitan.”
“Ang buwan ay nagbibigay ng liwanag sa gabing madilim. Paano mo masasabing lumilikha iyon ng kapahamakan?”
Kapag ganoong kinokontra ko siya, hindi na niya pinalalawig pa ang aming pag-uusap. Basta ang alam niya, perhuwisyo ang buwan at galit siya roon.
Kunsabagay, kung paniniwalaan ko ang mga sinasabing kuwento ng mga katandaan sa amin, talagang marami ngang hiwagang idinudulot ang buwan. At si Lolo Sario ang nagpapatunay niyon.
“Kapag kabilugan kasi ng buwan, may mga nilikha ng dilim na nagbabago ang anyo. Sa panahon ding iyon sila gumagala at naghahanap ng mabibiktima,” pahayag niya.
” Ano naman ho ang nagiging anyo nila?”
“Sa mga manananggal ay nahahati ang kanilang mga katawan, tinutubuan ng pakpak at nakakalipad. Ang mga lahing aswang naman ay nag-aanyong baboy ramo at iba pang anyo na nagagawa nila. Ang mga taong lobo naman ay tinutubuan ng makakapal na balahibo sa katawan, matutulis na kuko at pangil kung saan nagmumukha silang asong gubat,” sabi pa ni Lolo Sario.
May nobya si Hildo, si Leilani. Siya ang pinakamagandang babae sa aming baryo. Noong nililigawan pa lamang ni Hildo si Leilani ay kasa-kasama niya ako sa panunuyo rito. Sa katunayan, ako ang naging tulay nila, at malaking papel ang ginampanan ko para magkaibigan sila.
“Ikaw ang kukunin kong best man sa aming kasal, Crispin,” sabi ni Hildo sa akin.
“Walang problema. Mas magtatampo ako sa iyo kung maiitsapuwera ako sa kasal ninyo ni Leilani,” tugon ko. “Kailan ba ninyo binabalak magpakasal?”
Tiningnan niya ang kalendaryo. “Sa a-disiotso ng Agosto,” sagot niya.
Sinulyapan ko ang kalendaryo. Itinaon pala niya na walang buwan sa petsang iyon kaya biniro ko siya.
“Paano kayo magha-honeymoon kung walang buwan? Kaya nga honeymoon, mayroong ‘moon.’”
Tila ikinainis niya ang sinabi ko dahil sukat ba namang talikuran niya ako.
Hinabol ko siya at agad na humingi ako ng paumanhin sa kanya.
“Taong ito, hindi na mabiro,” natatawang sabi ko.
“Alam mo namang allergic ako sa buwan, binabanggit mo pa.”
Mula nga noon ay hindi ko na binibiro si Hildo basta may kaugnayan sa buwan. Ganunpaman, hindi mawala ang kuryosidad ko kung bakit ganoon siya.
“Alam mo, Crispin, hindi lang ang sinasabi ni Lolo Sario ang mga dahilan kaya may mga taong ayaw na sanang lumitaw ang buwan,” pahayag ng isang kaibigan ko na napagsabihan ko ng tungkol sa kakatwang galit ni Hildo sa buwan.
“Ano?”
“`Di ba’t may mga taong sinusumpong ng topak sa ulo kapag kabilugan ng buwan?”
“Oo nga, ano,” napapatangong tugon ko.
Tinotoyo ba si Hildo kapag kabilugan ng buwan?
Pero hindi ko sineryoso iyon dahil hindi iyon totoo. Napakabait na tao ni Hildo. Kahit dayo lang siya sa lugar namin, hindi man lamang siya nagkaroon kahit na isang kaaway o kagalit. Matulungin din siya sa kapwa at marami siyang naging kaibigan, at kabilang ako sa mga iyon.
Subalit isang buwan bago ang kanyang kasal, isang trahedya ang naganap sa kanyang nobya. Natagpuang patay si Leilani sa isang ilang na lugar at hinihinalang addict ang may kagagawan ng krimen.
Labis na itinangis ni Hildo ang nangyari kay Leilani. Halos hindi niya matanggap iyon. Palagi siyang lasing at kapag lango na siya sa alak ay minumura niya ang buwan. Poot na poot siya doon.
“Hayup ka, salot!” sigaw niya habang nakatingala sa kalangitan bagaman walang buwan kapag ginagawa niya iyon.
Ipinagtapat niya sa akin na hindi siya nanini-walang addict ang pumatay sa kanyang nobya. Nagulat ako sa sinabi niyang dahilan ng kamatayan ni Leilani.
“Ang sugat niya sa katawan ay hindi likha ng tao kundi ng isang alagad ng dilim,” sabi niya.
“Paano mo nalaman?” nakakunot ang noong usisa ko.
“Hindi siya hinalay na karaniwang ginagawa ng isang addict sa kanilang biktimang babae. Hindi rin siya pinagnakawan, kung holdaper man ang pumatay sa kanya. Pero ang malalim na sugat sa tapat ng kanyang puso ay kagagawan ng isang manananggal.”
“Manananggal? Mayroon bang ganoong nilikha? Nababasa ko lang iyon sa mga kuwento,” naiiling na sabi ko.
Tiningnan lang niya ako nang makahulugan pero hindi siya nagpakita ng reaksiyon sa aking tinuran.
Isang araw, ginabi kami ng uwi ni Hildo. Galing kami noon sa isang kaibigan na nagdiwang ng kanyang kaarawan. Ayaw sana ni Hildo na sumama pero pinilit ko siya para naman malibang-libang siya dahil alam kong sariwa pa sa kanya ang naging kamatayan ng kanyang nobya. Naglalakad kami noon sa masukal na sabana nang mapatingala si Hildo. Nakita niyang sumisilip ang bahagi ng bilog na buwan sa ulap. Napansin kong nabahala siya at kinabakasan ng takot.
“Mauuuna na ako sa “yo,” sabi niya sa akin.
“Sige, okay lang,” tugon ko naman.
Halos lakad-takbo ang ginawa niya sa kanyang pag-uwi. Naiwan naman akong dahan-dahan lang ang ginagawang paglalakad. Mayamaya ay nakarinig ako ng malakas na pagaspas ng pakpak. Napatingala ako. Isang napakalaking ibon ang nakita kong lumilipad. At napansin kong sa akin papalapit ang ibon. Tila dadagitin ako.
Nakadama ako ng takot. Tumakbo ako pero natisod ako kaya bumagsak ako sa lupa kung saan tumama pa ang aking ulo sa isang nakausling bato.
Nakadama ako ng pagkahilo. Kinapa ko ang aking noo, may nasalat akong dugo na umaagos mula roon. Pagsulyap ko sa itaas, nakita kong hindi ibon ang padagit sa akin kundi isang tao na kalahati ang katawan at may mga pakpak!
Napakapangit at mabalasik ang kanyang anyo. Pero bago siya nakalapit sa akin ay nakita ko si Hildo na lumapit sa akin. Tila ibig niya akong proteksiyunan.
Nasulyapan kong nahawi na ang ulap na nakakubli sa buwan kaya lumantad ang kabuuan niyon. Nagulat ako dahil kumisay-kisay si Hildo, at doon ko nakita na unti-unting nagbago ang kanyang anyo. Tinubuan ng makakapal na balahibo ang kanyang mukha at katawan. Nagmukha siyang mabalasik na aso.
Nilundag niya ang palapit na taong kalahati ang katawan. Sinakmal niya ito sa leeg. Nagpanghamok sila. Noon na ako tuluyang nawalan ng ulirat. Nang magmulat ako ng mga mata at pagsaulian ng malay ay nasa bahay na ako.
“P-paano ako nakauwi?” tanong ko sa aking kasambahay.
“Natagpuan kang walang ulirat ng mga barangay tanod sa sabana kaya iniuwi ka rito. Ang akala nga nila ay nakagat ka ng aso dahil nakita nilang papalayo iyon sa iyo nang dumating sila.”
Bagama’t hilo ako noong masaksihan ko ang mga pangyayari, alam kong may lihim na nahayag sa pagkatao ni Hildo nang sumilay ang bilog na buwan.
Nang umaga ring iyon, kahit masakit pa ang mga sugat ko ay tinungo ko ang bahay ni Hildo pero wala siya roon. Isang lalaki naman ang natagpuang patay sa kakahuyan, at hinihinalang biktima ng isang mabangis na hayop dahil maraming sugat ito na likha ng matatalim na ngipin.
“P-putol ba ang katawan ng biktima?” tanong ko sa nakakita niyon.
“Hindi. Bakit mo nasabi iyon?”
“W-wala… Wala…”
Mula noon ay hindi ko na nakita pa si Hildo. Hindi na siya nagbalik sa aming baryo. Nananatiling palaisipan sa akin ang hiwagang naganap. Iniisip ko na ang taong natagpuang patay ay ang manananggal na nakita ko. Marahil sa paghahamok nila ni Hildo na naging anyong aso, sugatan siyang nakatakas at nakalayo at nagawa pang pagdugtungin ang katawan bago namatay. Ang mga kagat niyon ay alam kong likha ni Hildo.
Sa gabi, madalas kong pinagmamasdan at tinititigan ang bilog na buwan. Napakaganda niyon kung saan ang liwanag ay nagiging inspirasyon pa ng mga makata sa paglikha ng kanilang tula. Nagsisilbi ring pang-akit iyon sa mga magkatipan na nagsusuyuan sa ilalim ng liwanag niyon. Pero masisisi ko ba si Hildo kung kapootan niya iyon at mahayag ang isang lihim? Hindi na.
Kung minsan ay nakakarinig ako ng alulong ng aso mula sa kalapit na bundok kapag kabilugan ng buwan. Iniisip kong baka si Hildo iyon at hanggang ngayon ay nagagalit siya sa bilog na buwan.