Ang lalaking kamukha ng patay na ngayon ay nakikihalubilo sa mga nakikipaglibing ay ang mismong patay. Ramdam na ramdam niya ang negatibong enerhiyang nagmumula sa multo.
KASISINDI lang ni Paolo ng dalawang kandilang itinirik niya sa harap ng puntod ng kanyang ama na nagdaraos ng kaarawan nito nang araw na iyon nang mapalingon siya.
May pumapasok na prusisyon ng libing malapit sa lugar na kinaroroonan niya. Napasulyap uli siya sa bagong gawa at wala pang lamang nitso di-kalayuan sa puntod ng kanyang ama. Natiyak agad niya na iyon ang paglalagakan ng kabaong na nang mga sandaling iyon ay pinagtutulungang buhatin ng anim na lalaki. May bubong ang nasabing nitso na halatang ginastusan ang pagkakagawa.
Halos umabot sa puwesto niya ang maraming taong kasama sa libing kaya napilitan siyang umatras. Nasipa pa ng isa sa mga bagong dating ang isa sa mga kandila niya at natumba. Namatay ang apoy niyon pero hinayaan na lang niya iyon. Sisindihan na lang uli niya iyon mamaya. Tumuntong siya sa kalapit na magkapatong na dalawang nitso at doon pinagmasdan ang huling seremonya ng libing.
Mayamaya pa ay ibinaba na ang kabaong at binuksan.
Nagsilapitan na roon ang marahil ay mga kamag-anak at malalapit na kaibigan ng namatay at pinagmasdan ang mga labi nito sa huling pagkakataon.
Prenteng nakaupo siya sa ibabaw ng nitso nang matigilan siya. Isa sa mga lalaking tumutunghay sa patay sa loob ng kabaong ay kamukha nito. Hindi lang magkamukha ang mga ito, pareho rin ng suot. Parehong matangkad at katamtaman lang ang mga pangangatawan.
Nanlaki ang mga mata niya nang isang babae ang lumagos sa katawan ng lalaking pinagmamasdan niya!
Ang lalaking kamukha ng patay na ngayon ay nakikihalubilo sa mga nakikipaglibing ay ang mismong patay. Napasulyap siya sa relo niya. Pasado alas-diyes pa lang ng umaga. Pero hindi naman talaga kakatwa na may nagmumulto sa umaga. Ilang beses na rin siyang may nakitang multo na gumagala sa umaga, partikular na sa mga sementeryo. Sa bawat oras ay may mga gumagalang multo sa sementeryo at ang madalas na inuusisa ng mga ito ay ang mga bagong inililibing. Hindi gaya nang mga sandaling iyon na ang multong nag-uusisa sa libing ay ang multo mismo ng inililibing.
Natutulalang pinagmasdan niya ang multo. Hindi na ito nakikipag-agawan sa pagtunghay sa kabaong nito. Pinagmasdan na lang nito nang tahimik ang mga taong sa huling sandali ay gustong makita ang bangkay nito. Pero mayamaya pa, nakita niyang may galit na rumehistro sa mukha ng multo nang may makita ito sa mga nakikipaglibing.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” hiyaw nito sa isang lalaki. “Umalis ka rito!” Anyong galit na galit ang multo sa naturang lalaki. Sinakal nito ang lalaki pero tumagos lang ang mga kamay nito sa leeg ng lalaki. Nang mabatid ng multo na walang epekto ang ginagawa nito sa lalaki ay nagpalinga-linga ito sa paligid. Isang matulis na kaputol na kahoy ang nilapitan nito at tinangkang damputin. Sasaksakin nito ang lalaki! Pero hindi mahawakan ng multo ang matulis na kahoy.
Nadidismayang nagsisigaw ang multo bago muling binalingan nito ang lalaki. “Umalis ka rito! Huwag mong bastusin ang libing ko!” Pinagmumura pa nito ang lalaki. Nanlilisik ang mga mata nito. Walang ibang nakakakita sa multo kundi siya. Bukas ang third eye niya at malakas iyon kapag nasa sementeryo siya. Tuwing nasa sementeryo siya, walang palyang palagi siyang nakakakita ng multo. Pero kapag wala siya sa sementeryo, masuwerte nang may makaengkuwentro siyang multo minsan sa isang linggo.
Hindi siya natutuwa na may kapangyarihan siyang makita ang hindi nakikita ng pangkaraniwang mga mata. Madalas ay perhuwisyo at abala ang dala niyon sa kanya, bukod pa sa natatakot pa rin siya sa tuwing makakakita siya ng multo. May mga multo na marahas at talagang nakakatakot ang hitsura. Mayroon din namang multo na maamo at walang pakialam kahit alam ng mga itong nakikita niya ang mga ito.
May mga multo rin na walang amoy pero ang iba ay talagang nakakasulasok ang amoy na naninikit sa kanyang ilong kahit ilang araw na ang lumipas.
Ano ba ang pakinabang niya sa pagkakaroon niya ng bukas na ikatlong mata? Minsan, may natutulungan siyang ligalig na kaluluwa. Dati, may nakausap siyang multo na nagpakamatay nang hindi nakakahingi ng tawad sa mga magulang nito. Tinulungan niya itong magkaroon ng komunikasyon sa mga magulang nito. Pero bihira ang pagkakataong iyon. Karamihan sa mga multo ay hindi nakikipag-usap sa kanya. Karamihan ay galit at naiinggit sa mga buhay.
Mas maraming dalang abala sa kanya ang kanyang kakatwang kapangyarihang makakita ng mga multo at iba pang kahalintulad na nilalang.
Kung may alam lang siyang paraan, isasara na lang niya ang kanyang ikatlong mata.
Gaya nang mga sandaling iyon, napansin na siya g pinagmamasdan niyang multo. Nabatid na nito na nakikita niya ito. Lumutang ito palapit sa kanya. At huli na upang iwasan niya ito.
“Ano ang itinitingin-tingin mo, ha?” paasik na sabi nito sa kanya. Hindi siya sumagot. Nag-iwas lang siya ng tingin. Mapagkakamalan siyang baliw kapag kinausap niya ito dahil walang ibang nakakakita at nakakarinig dito kundi siya. Lalo itong nagalit sa hindi niya pagsagot. Pinagmumura siya nito.
Tumalon siya pababa mula sa nitso at naglakad palayo. Katulad ng inaasahan niya, sumunod sa kanya ang multo ng lalaki. Dahil marami na siyang karanasan sa multo, may alam siyang paraan para itaboy palayo ang isang multo. Pagdating sa lugar na alam niyang hindi na sila pansin ng mga tao ay binulungan niya ang multo. “Kapag hindi mo “ko tinigilan, kakausapin ko ang mga kamag-anak mo. Sasabihin ko sa kanilang nakikita kita at hinihiling mo na gusto mong ma-cremate. Alam mo ba kung ano ang mangyayari sa isang multo kapag sinunog ang katawan niya at ginawang abo? Maglalaho siyang parang bula. Kaya kung may plno ka pang gumala-gala rito sa lupa, lubayan mo “ko,” pananakot niya rito.
Natuwa siya nang makitang natigilan ang kaharap na multo.
Mayamaya pa ay nilayuan na siya ng multo. Humalo uli ito sa mga taong sumama sa paglilibing dito na nang mga sandaling iyon ay nag-aalisan na. Pinuntirya uli nito ang lalaking kanina ay nakita niyang sinasakal nito. Galit na pinagsusuntok, pinagsisipa at pinagmumura nito ang naturang lalaki na wala pa ring nararamdaman. Mayamaya pa ay binalingan ng multo ang lahat ng taong dumalo sa libing nito at galit na pinagmumumura ang mga ito.
Ramdam na ramdam niya ang negatibong enerhiyang nagmumula sa multo. Ang matinding pagkasuklam na bumabalot dito.
Nilapitan uli niya ang puntod ng kanyang ama, itinayo ang kandilang natumba at muling sinindihan. Kasabay ng pag-aapoy ng kandila ay may kumislap na ideya sa kanyang isipan. Sinulyapan uli niya ang multo na wala pa ring sawang kinukutya at inaalipusta ang mga nakipaglibing sa bangkay nito.
May mga multo na pagkaraan ng ilang araw ay nawawala na at nagtutungo na sa dapat na kahantungan. Mayroon naman na nagtatagal nang ilang taon sa lupa, pagala-gala lang at walang sinasaktan, at may mga multo na pagkaraan lang ng ilang araw ay nagkakaroon ng kakayahang humawak ng solidong bagay kaya nagagawa nang manakit. At pumatay.
Paano kung ang multong pinagmamasdan niya nang mga sandaling iyon, pagkaraan lang ng ilang araw ay magkaroon ng kakayahang humawak ng solidong bagay at magkaroon ng kakayahang manakit? Baka araw-araw ay may patayin ito. Tiyak na ang uunahin nito ay iyong mga nakipaglibing sa miserableng bangkay nito.
Tumayo siya at hinabol ang mga nakipaglibing na nagsisilulanan na nang mga sandaling iyon sa kanya-kanyang sasakyan. Sa sulok ng kanyang mga mata ay nakita niyang napatingin sa kanya ang multo.
Ipinagtanong niya sa mga ito kung sino ang pinakamalapit na kamag-anak ng namatay. Itinuro siya sa isang babaeng kapatid nito.
Magalang na lumapit siya rito. Nagpakilala at hiningi niya ang address ng mga ito na ibinigay ng mga ito pagkatapos niyang magpakita ng ilang IDs na magpapatunay na isa siyang mabuting tao.
“Tungkol ho sa namatay,” maikling sagot niya nang itanong nito kung ano ang pakay niya sa pakikipag-usap dito. Hindi na siya nagbigay pa ng detalye dahil nakita niyang palapit sa kanila ang multo ng namatay.
KINABUKASAN din ay tinungo na niya ang bahay ng kapatid ng namatay. “Julio” ang pangalan ng namatay. ikinuwento agad niya rito ang tungkol sa tangkang pananakit at galit na pagmumura ni Julio sa mga nakipaglibing, lalo na sa isang lalaki. Agad na nabaghan ang kapatid ni Julio at ang iba pang kamag-anak nitong kaharap nila.
“Kung kaya lang niyang patayin kahapon sa libing “yong lalaki na yon, ginawa na siguro niya,” sabi pa niya. Inilarawan niya ang lalaking pinakitaan ni Julio ng matinding galit.
“Si Larry,” nahihindik na pagtukoy ng kapatid ni Julio sa nasabing lalaki. “Dati silang magkaibigan.”
Inamin ng kapatid ni Julio na matagal nang may alitan sina Julio at Larry. Nagtungo lang sa libing si Larry bilang pagbibigay na rin ng respeto sa mga labi ni Julio. Sa una ay tumanggi pa ang kapatid ni Julio na sabihin kung ano ang pinag-awayan ng dalawa, pero sa bandang huli ay nagkuwento rin ito.
Ibinisto raw at isinumbong ni Larry sa mga awtoridad ang mga ginagawang pandaraya ni Julio sa negosyo nito at sa mga empleyado nito. Ang mga kasong kinaharap nito dahil sa pagbubulgar ni Larry ang malamang na naging sanhi upang atakihin sa puso si Julio at mamatay. Nakadagdag din sa sakit sa kalooban nito ang katotohanang halos lahat ng kamag-anak nito ay hindi nagalit kay Larry at sa halip ay pinuri pa ito sa tama at naging matapang na desisyon nito.
Noon pa raw kasi pinapaalalahanan ng mga kaanak nito si Julio na baguhin na ang masamang gawain. Ngunit mas inuna nito ang kumita nang malaki.
Nakumbinsi niya ang mga kamag-anak ni Julio na kailangang sunugin ang bangkay nito bago pa makapaminsala ang multo nito.
Hindi na siya sumama sa sementeryo nang kunin ng mga kamag-anak nito ang bangkay nito. Alam niyang hindi lang siya tatantanan ng pagmumura nito. Iyong ibang tao, kahit maghapon na murahin at pagsalitaan nito ng masasakit ay walang maririnig. Pero siya, kahit paano ay naaapektuhan sa pag-aalipusta at pagbabanta sa kanya ng mga multo.
Hindi na rin siya sumama sa crematorium dahil alam niyang susunod doon ang kaluluwa ni Julio. Masaya na siyang napigilan niya ang anumang masamang plano nito.
Nagpakasama na ito noong nabubuhay pa, magpa-pakasama pa rin pala ito kahit isa na lang kaluluwa.
Isa iyon sa mga pagkakataong natutuwa siya na bukas ang ikatlong mata niya.