affiliate marketing

Pages

Gitnang Kalsada

Dahan-dahang nag-iba ang anyo ng mga bata. Nakapanghihilakbot ang transpormasyon ng mga ito. Nangitim ang mga ito at nawarak ang mga suot na damit.

PINUNIT ng malakas na sigaw ng isang batang babae ang katahimikan ng gabi. Mayamaya ay tumatakbong lumabas ito mula sa nakabukas at sira-sirang tarangkahan ng pulang bahay na matatagpuan sa dulong bahagi ng gitnang kalsada. Pinagpapawisan ito at nasa mukha ang labis na takot. isang tsinelas na lamang ang nakasuot sa paa nito. Tinanong ito ng mga matandang sumalubong dito. At sa nanginginig na boses ay ikinuwento ng bata ang tatlong duguang bangkay na nakita raw nitong nakahandusay sa loob ng bahay kung saan ito palaging nakikipanood ng telebisyon.

PAGKALIPAS ng halos kinse minutos na paglalakad mula sa kanilang bahay ay narating ni Mylene ang bahay ng kaopisina at kaibigan niyang si Maricris. Ikatlong gabi nang nakaburol ang nanay nito na si Aling Ester at noon lamang siya makakadalaw para makiramay sa mga naiwan nito.

Natanaw niya ang nakahimpil na karo ng patay sa harap ng luma at sira-sirang bahay nina Maricris. Mayroong ilang mesa na puno ng mga nagsusugal na kalalakihan. Mayroon ding mahabang mesa na inookupa ng mga kababaihan na abala naman sa paglalaro ng bingo. Paroo’t parito ang mga kaanak nina Maricris na nagdudulot sa mga nakikiramay ng iba’t ibang mga kukutin at tasa ng mainit at umuusok pang sopas.

Nilagpasan niya ang mga ito at umakyat siya sa mataas na hagdan na nasa harap ng bahay. Nang makarating siya sa pinakahulingbaitang niyon ay nakita niyang puno ng tao ang malaking sala at lahat ay nakatunghay sa ataul.

May tatlong lalaking nakatayo sa harap ng puting ataul na napapalibutan ng iba’t ibang klase ng bulaklak at ilaw na tumatanglaw sa maluwang na sala. Nakatalikod sa kanya ang tatlong lalaki na sa pakiwari niya ay may kung anong sinusuri habang nakasilip sa salamin ng ataul. Kapagkuwan ay itinaas nang dahan-dahan ng isa sa mga ito ang takip na salamin. Sumingaw ang amoy ng formalin na ginamit sa pag-eembalsamo kay Aling Ester. Nadaig niyon ang ibinibigay na mabangong amoy ng sampaguita na nakasabit sa palibot ng ataul.

Umalis ang pinakamaliit sa tatlong lalaki. Sinundan niya ito ng tingin at noon lamang niya napansin ang isa pang puting ataul na nasa isang gilid ng sala. Di-hamak na mas maganda at mamahalin ang materyales niyon kaysa sa kasalukuyang pinaglalagyan kay Aling Ester.

Diyata’t papalitan ang ataul nito?

Ibinalik niya ang tingin sa harap niya. Sinisimulan nang buhatin ng dalawang lalaki kapwa may suot na guwantes ang mga ito mula sa kinahihimlayan niyon ang bangkay ni Aling Ester. Waring bigat na bigat ang mga ito habang hawak ang matigas nang bangkay. Natambad din sa kanya ang puting saya ni Aling Ester. Pero hindi niya makita ang mukha nito dahil natatabingan iyon ng malapad na likod ng isa sa dalawang lalaki.

Hustong ililipat na sa bagong ataul ang bangkay nang biglang namatay ang ilaw sa buong kabahayan. Nilamon ng dilim ang buong paligid. Nawala ang atensiyon niya sa ataul. Maging siya ay hindi napigilang mapasigaw gaya ng ibang mga naroroon. Napalundag siya sa magkahalong takot at kilabot lalo na nang may narinig siyang kung anong bagay na bumagsak sa sahig. At kasabay niyon ay may biglang humawak sa kamay niya na nakahawak sa barandilya ng hagdan.

Akmang tatalikod na siya para bumaba ng hagdan nang biglang lumiwanag ang paligid. Nakahinga siya nang maluwag nang bumalik ang kuryente. Kaharap na rin niya si Maricris. Tumingin siya sa ataul. Bago pa man tuluyang maihimlay ang katawan ni Aling Ester sa bagong ataul nito ay kitang-kita niyang tila nangitim ang puting saya nito na animo nakulapulan ng dumi. At ganoon na lamang ang kilabot na nadama niya nang mahagip ng tingin niya ang krusipihong pabaligtad na nahulog sa sahig.

Lumapit kay Maricris ang tiyahin nito na si Aling Belen. Nag-antanda pa ito bago nagsalita.

“May kasabihan ang matatanda na dapat ay binabantayang mabuti ang bangkay ng isang namayapa para hindi maagaw o mapasukan ng ibang kaluluwa ang katawan nito. Hindi raw dapat hinihiwalayan ng tingin ito para hindi masalisihan ng demonyo o ma-possess ang bangkay. Kailangan ding tutukan ng tingin ng sinumang tao ang bangkay bilang proteksiyon sa sarili niya. Para hindi rin siya buligligin at habulin ng iba pang kaluluwang pa gala-gala.”

“Pero nakatingin naman ho kay Aling Ester ang lahat noong buksan ang ataul niya at ilipat siya sa ibang ataul,” sabi niya.

Tiningnan siya nito. “Nawalan ng ilaw, di ba? Maaaring may ibang nawala ang atensiyon sa bangkay. Huwag nating kalilimutan kung gaano katuso at katalino ang kampon ng kadiliman. Maaaring mayroong kababalaghang nangyari na hindi natin natatalos. Ayokong sabihin pero puwedeng nalukuban ng ibang kaluluwa ang bangkay ni Ester. Dapat ay ibayong pag-iingat ang gawin ng kung sinumang hindi tumingin sa kanya dahil maaaring siya ang bantayan o habulin ng kaluluwang hindi niya nakikilala…”

GABI nang nakauwi sina Mylene at Maricris mula sa isang birthday party. Nakasakay sila sa jeep na maghahatid sa kanila sa Barrio Libis kung saan sila kapwa nakatira. Pinakahuling baryo iyon. Pasado alas-onse na ng gabi at laking pasasalamat nila dahil nakahabol pa sila sa last trip. Pagsapit kasi ng alas-nuwebe ng gabi ay wala nang namamasada sa kanilang lugar.

Silang magkaibigan lamang ang sakay ng jeep. Mayamaya ay huminto iyon. Naamoy pa niya ang mga dama de noche na marahil ay nakatanim sa kung saan. Sumakay sa jeep ang dalawang bata isang babae at isang lalaki at magkatapat na umupo ang mga ito sa tabi ng estribo. Sumakay rin ang isang matandang lalaki na umupo naman sa tapat nilang magkaibigan.

Napatingin siya sa matanda. May kung anong emosyon sa mga mata nito na nagdudulot sa kanya ng kakaibang kilabot. At gaya ng dalawang bata ay waring estatwa ito habang tuwid na tuwid at naninigas sa pagkakaupo.

Pilit na iwinaksi niya ang iba’t ibang isipin. Bumaling siya sa labas ng bintana. Isang baryo na lamang at nasa Barrio Libis na sila nang biglang nagsalita ang matanda. Hindi niya alam kung inutusan nito ang driver na idaan sa gitnang kalsada ang sinasakyan nila.
Nagkatinginan silang magkaibigan. Hindi na lamang siya tumutol kahit gusto sana niyang sila ang unahing ihatid ng driver. Pagpasok kasi nila sa baryo ng Liko ito ang baryo bago ang Barrio Libis ay magsasanga sa tatlo ang mga kalsada roon na lahat ay tumutumbok sa susunod na baryo. “Balagtas” ang tawag sa kaliwang kalsada. “Tabing-ilog” naman ang kanang kalsada. At ang gitna ay tinatawag na “Gitnang Kalsada.”

Ngunit laking pagtataka niya nang waring paikut-ikot lamang sila at kay tagal bago sila makapasok sa Gitnang Kalsada gayong noong huling sumilip siya sa labas ng bintana ng jeep ay nasa bukana na sila niyon.

Sinagilahan siya ng matinding takot. Pilit na nilabanan niya iyon sa pamamagitan ng pagkukuwento kay Maricris namumutla na rin ito sa takot ng tungkol sa mga sinabi ni Aling Belen.

“Totoo nga kayang napalitan ng masamang kaluluwa ang kata—”

Naputol ang pagsasalita niya nang biglang humalakhak ang matanda. Nakakikilabot ang dating niyon. Biglang naglaho ito at nang muling lumitaw ay nasa tabi na ito ng batang babae.

Nagyakap sila ni Maricris. Kapwa naiiyak na sila sa takot. Napasiksik sila sa likod ng driver habang titig na titig sa kanila ang dalawang bata. Posible bang nagkatotoo at nagaganap na ang paniniwala ni Aling Belen? Pero hindi naman niya hiniwalayan ng tingin ang bangkay ni Aling Ester. Bigla ay naisip din niyang hindi nga pala niya nakita ang mukha nito at nang mawalan ng ilaw ay nabaling sa iba ang pansin niya.

Dahan-dahang nag-iba ang anyo ng mga bata. Nakapanghihilakbot ang transpormasyon ng mga ito. Nangitim ang mga ito at nawarak ang mga suot na damit. Napuno ng ma lalaking pasa ang mga mukha at buong katawan ng mga bata na waring sanhi ng matinding pananakit sa mga ito at nagkaguhit ang mga leeg na animo ginilitan ang mga iyon gamit ang matalim na patalim. Nakulapulan ng dugo ang buong katawan ng mga ito at parang gripong tumagas ang sariwang dugo mula sa mga bibig at dibdib ng mga ito.

“Tama na! Tigilan n’yo na kami!” paulit-ulit na pakiusap niya. Nanginginig na siya sa sobrang takot.

Hindi niya mapaniwalaan ang mga nasasaksihan. Kung isa mang masamang panaginip iyon ay nais na niyang magising. Sa labis na pagkagulat ay hinawakan siya nang mahigpit ng lalaki at pilit siyang hinahatak palabas ng jeep. Pero nanlaban siya habang pilit paring kinukumbinsi ang sarili na hindi totoo ang lahat.

Sadyang malakas ang malamig at naaagnas nang kamay na nakahawak sa kanya pero nagawa niyang kumawala roon. Paulit-ulit na tinatawag niya si Maricris pero waring hindi siya naririnig nito. Tulala ito at hindi na kumikilos sa kinauupuan. At nang mapatingin siya sa sahig ng jeep ay nakita niyang umaagos doon ang likidong nagmumula sa gitna ng mga hita nito. Dahil sa matinding takot ay naihi ito.

Gulung-gulo siya. Ngalingaling bumigay ang kanyang katinuan. Napahagulhol siya habang palinga-linga. Pabalik-balik pa rin ang jeep sa pinanggalingan nila kahit biglang naglaho ang tsuper na kanina ay nagmamaneho niyon. Wala siyang alam sa pagmamaneho pero pinakialaman niya ang manibela.

Sa minsang paglingon niya ay laking pagtataka pa niya nang hindi na niya makita ang mga multong umaatake sa kanya. Nang tumingin uli siya sa unahan ay naiharang niya sa kanyang mukha ang mga braso niya. Nasilaw siya sa liwanag na nagmumula sa malaking spotlight na tumatama sa jeep na sinasakyan niya. At kapagdaka ay unti-unting luminaw sa kanyang paningin ang lumang simbahan na may malaking krusipiho sa unahan at matatagpuan sa bungad ng kalyeng kasunod ng Gitnang Kalsada.

Nakahinga siya nang maluwag. Kung anuman ang kahulugan ng mga kababalaghang nangyari sa kanya ay saka na lang niya iisipin. Ang mahalaga sa kanya ay nakalagpas na sila sa kalsadang iyon.