Kitang-kita ni Alex nang humabaang dila ng babae at nahati sa dalawa. Todo sindak na nagtatakbo si Alex. Tama si Kevin, bilisan niya ang takbo. Tama si Ed, huwag siyang pipikit. Dahil sa kanyang pagpikit, lulukuban siya ng dilim, at hindi na siya puwedeng magising… hindi na puwedeng magbalik…
HUWAG kang pipikit!
Baka sa iyong pagdilat…hindi ka na magising!
“Dok, buhay pa ba ako?” halos palakihin ni Alex ang mata habang sinusuri siya ni Dr. Ewell.
Napakunot ang noo ng doktor. “Buhay na buhay ka pa. Hayan nga, o… gumagalaw ang iyong mata at humihinga ka pa.”
Hanggang kelan siya magiging dilat?
“Matulog ka muna, Alex… pagod na pagod ka na,” payo ng manggagamot.
Napasigaw si Alex. “Hindi! Hindi ako puwedeng matulog!” Parang baliw na idinilat niya ang mga mata sa pagitan ng mga daliri. Kung puwede nga lang bang tukuran ng palito ng posporo ang talukap ng mata ay ginawa na sana niya. Huwag lang siyang pumikit. Huwag lang antukin.
Matindi ang naging epekto kay Alex ng nangyari sa kaibigang si Kevin. Natagpuang wala na itong buhay sa hinihigaang kama kagabi. Binangungot daw. Pero bakit lubog ang mata?
Paano naman ipapaliwanag ang nangyari kay Ed noong isang linggo? Natagpuan ding walang hininga si Ed sa mismong kuwarto nito. Overdose daw sa gamot. Pero bakit sugat-sugat ang paa?
Bago pa man mangyari ang lahat nang ito ay masaya silang magkakasama sa masukal na lugar sa Magallanes. Hindi pinapasok ang lugar na ito dahil marami raw nagkukutang rebelde dito. Iyon ang trip nila ng barkada, mas mapanganib mas may thrill
Minsan na rin nilang pinatunayan ang pagkahilig sa adventure nang pasukin nila ang tribu ng mga namumugot ng ulo. Kumaripas sila ng takbo nang sa bukana pa lamang ay may humagis na baboyramo sa paanan nila na wala na ang ulo. Ang bilis nilang nagpulasan gayong hindi pa nakakarating sa paroroonan.
Ang dami nilang gustong puntahan. Ang kuwebang puno ng kalansay. Ang isla na tirahan ng mga pusang kumakain nang buhay na tao.
Puro naman sila kabog. Masabi lang na nailabas ang takot.
Si Ed, dating lalampa-lampa. Laging binabatukan ng mga nambu-bully sa eskuwela. Simula nang marating nila ang mga lugar nasa bangungot lang puwedeng makita ay nagawana nitong manindak. Mas marami pa ang kuwento kaysa sa totoo.
Si Kevin ay laki sa magulong pamilya. Lumaki sa tahanan na parang sona ng digmaan. Nakakatakot tumuntong sa lugar nila dahil kung hindi ka hahabulin ng sumpak, hahabulin ka ng pana. Hindi siga si Kevin, siya pa nga ang mahilig delihensiyahan ng pantoma. Nailalabas lang ni Kevin ang pagiging astig sa mga lugar ng guniguni.
Si Alex ay may tattoo pa raw sa braso. Ang laki ng kanyang braso, mamasel-masel at puno ng laman. Sino ba naman ang mag-aakala na sa laki ng katawan niya ay takot siya sa butiki, salumilipad na ipis, sa ulol na aso? Takot din siyang bastedin ng nililigawan niyang si Editha. Lahat na lang ay kinatakutan niya. Sa pagsama-sama sa dalawang kaibigan ay malalabanan daw niya ang takot. Fear factor.
“Kapag kami ang kasama mo mawawala ang lahat ng takot sa mundo.” Ang yabang ng mga ito kung magkuwento.
“Minsan lang ang sarap tadyakan ng dalawang ito,” minsan ay naibulong ni Alex sa sarili. Kundi ba naman mga nuknukan ng duwag, humuni lang ang kuwago o pumagaspas ang paniki pakiramdam ba naglabasan na ang lahat ng maligno. Ang bibilis pa tumakbo. Breaking the record Kung isinali siguro sa Bejing Olympic baka nakapag-uwi pa ng gintong medalya.
Ang huling pinuntahan nila bago sila nagkawatak-watak ay ang lugar papuntang Magallanes. Binabagtas ng kotse ni Kevin ang kahabaan ng highway, madilim at walang posting nag-iilaw. Matalahib ang lugar at napabalita pa nga na tapunan daw ng mga biktima ng summary execution. Nakakatakot. Sakatahimikan ng gabi ay pumunit ang malakas na sigaw.
“Ano iyon?” si Alex ang unang nakarinig.
“Ewan ko!” nadinig ba ni Ed?
Nag-bright ng ilaw sa kotse si Kevin para makita ang pinanggalingan ng sigaw. Isang babaing nakaputi ang nagtatatakbo ang nakita ni Alex. Hinahabol ng kung sino.
“Pare, tulungan natin,” si Alex ang nagsabi.
Kinontra ni Ed. “Baka masabit tayo, huwag na lang.”
Agad namang pinihit ni Kevin ang kotse pabalik. Hindi na lang sila tutuloy. Hindi pa man ay naunahan na ito ng takot ‘Talagang masasabit tayo kung hindi tayo tatakbo.”
Muli ay nadinig nila ang sigaw. Tulungan n’yo ako, hinahabol ako ng halimaw!” Pero tinakasan din nila ang babae.
Kinaripas na ng takbo ni Kevin ang kotse palayo habang tinatangay sa hangin ang panaghoy ng paos na boses. “Mga duwag… tulungan n’yo ako, mga duwag!”
Nasa bahay na ay hindi pa rin dalawin ng antok si Alex. Naging madamot ang antok. Ang babaing nakaputi ang nasa isip niya. Ano na kaya ang nangyari doon? Sino kaya ang humahabol sa babaing iyon? Baka nasaktan na ito, napatay o nailugso ang puri. Para ngang nagdurugo pa ang kamay ng babae. Kundangan naman kasi ay bakit hindi pa nila tinulungan.
Nakakakunsensiya naman.
Dilat na dilat ang mata nila sa nasaksihang eksena pero nagtulug-tulugan pa rin sila. Nagpikit-pikitan. Ganoon sila kaduwag.
Ito na ba ng ibinunga nang karuwagang iyon?
Natatandaan ni Alex bago bawian ng hininga si Kevin ay nakatawag pa sakanya at ang bilin: Pare, huwag kang pipikit! Huwag kang pipikit!
Si Ed man ay may sinabi rin sa kanya bilang huling paalam. “Pare, bilisan mo ang takbo. Huwag kang hihinto… takbo!”
Ang mga pahiwatig na iyon ang dahilan kung bakit nagkakaganito ngayon si Alex.” Huwag siyang pipikit. Baka sa kanyang pagpikit ay hindi na siya magising pa.
Ngayon kinasabikan ni Alex ang tulog.
Dati kasi kapag kasama niya ang dalawang kaibigan ay walang tulugan. Inaabot sila ng umaga sa daan. Pamorningan.
Kung kelan puwede na siyang matulog ay hindi niya magawa.
“Alex, bakit ba palakad-lakad ka sa.labas, gabi na,” napuna siya ng tiyuhin na kapisan niya sa bahay. “Bakit ba hindi ka natutulog?”
Hindi siya dalawin ng antok. Iyon ang sabi niya.
Pero sabi lang niya iyon. Lahat ay ginagawa niya para hindi pumikit.
Nandiyang pakagat siya sa mga hantik.
Nandiyang tusukin niya ng aspili ang balat.
Nandiyang pahabol na siya sa asong ulol.
Nandiyang habulin niya ang nagliliparang ipis.
At ang pinakagrabeng ginawa na niya ay kinuryente niya ang sarili, huwag lang makatulog.
Ano kaya ang nakita ng dalawang kaibigan sa kanilang pagpikit at hindi na sila nakabalik?
Hanggang kelan siya mananatiling gising?
May paraang naisip si Alex. “Dok, operah’an mo ang mata ko. Itupi mo pataas pagdikitin mo ang talukap,” sabi niya.
Napapailing ang doktor. “Sa karanasan ko bilang siruhano ay wala pang nakapagsabi sa akin nang ganyan,” tanggi nito. “Hindi mo ba alam na magmumukha kang katawa-tawa habang dilat na dilat ang mata? At hindi maaari iyon dahil matutuyo ang natural fluid na kailangan ng mga mata natin.”
Desperado na si Alex. Pinitserahan ang doktor. “Hindi mo ba alam, Dok… na bawal sa akin ang pumikit. Hindi, ako puwedeng matulog. Hindi!”
Tinalikuran siya ng doktor. “Nasisiraan ka na ng bait.”
Talagang napapraning na siya. Iyong dampot ni Alex sa gunting, kinorner niya ang doktor, tinutukan sa leeg. “Ooperahan mo ba ako o hindi?” gigil na tanong, halos magngalit ang ngipin.
Nanginginig na kinuha ng doktor ang mga gamit para isailalim si Alex sa isang operasyon. Tiniis ni Alex ang sakit nang pagdikitin ang balat sa pagitan ng mata niya nang walang gamit na pangpangimay.
“Aray!” Tiyak na makakatulog siya kapag tinurukan ng anaesthesia.
Natapos ang operasyon. Natawa pa si Alex nang makitang dilat na dilat ang kanyang mata. Tinangka niyang ipikit pero nakatahi na ang balat niya, hindi na magsasara ang kanyang mga mata. Napalakas ang tawa ni Alex. Kinilabutan ang doktor sa naging hitsura ng pasyente.
Lumabas si Alex ng operating room na baon ang pag-asa na hindi siya matutulad sa kapalaran ng dalawang kasama. Iibahin niya ang kapalaran niya.
Sa daan ay nasalubong niya ang babaing nililigawan. “Magandang gabi, Editha!” sa kasabikan ay nakalimutan niya ang hitsura at sariwang tahi sa kanyang mata.
“Halimaw!” sigaw ni Editha. Nagtatatakbo ito at takot na takot. Habol niya ang babae pero nagsisisigaw iyon, humihingi ng tulong.
May isang lalaking nakarinig sa panaghoy ng babae. Isang patpatin at mukhang tuktuking lalaki pero malakas ang loob. Kumuha iyon ng tubo at buong lakas na inihambalos ang matigas na tubo sa ulo ni Alex.
Nawalan ng malay ang natumbang si Alex. Dilat ang mata pero nag-aagaw-antok ang diwa niya. Muli ay nakita niya ang eksena sa madilim na lansangan habang hinahabol ng kung sino ang nagtatatakbong babae. Sumisigaw. Humihingi ng tulong sa kanya.
Sa pagkakataong ito, iibahin niya ang istorya, tutulungan niya ang babae.
“Tulungan mo ako, hinahabol ako ng halimaw!” iyon ang dinig niyang sabi sa kanya.
Tumakbo siya papalapit sa babae. Ang lakas ng loob niya. “Miss, huwag kang matakot. Ako ang bahala sa iyo.”
Sa malayo, nakita niya ang anino ng lalaking humahabol sa babae, pasuray-suray, parang laging nangangapa sa dilim.
Ano nga bang klaseng halimaw ito?
Dumampot siya ng pamalo, panghataw sa kalaban. Ang higpit ng pagkakahawak niya sa pamalo.
Sa tama ng buwan ay naaninag niya ang buong anyo ng lalaki, lubhang nanghihina, at matatakot siyang talaga dahil walang mata, dinukot ang mata.
“Diyos ko!” napanganga siya sa takot.
Nakita niya ang paghihirap ng lalaki habang lumuluhod at nagmamakaawa na. Ang paos na boses. “Tulungan mo ako…”
Kaboses ng sigaw na narinig nila noon. Kung gayon, lalaki ang humihingi ng tulong.
“Ibalik mo ang paningin ko… ibalik mo…” pakiusap nito, sa tonong nagmamakaawa sa babae.
Pagsulyap ni Alex sa kamay ng babae, hawak-hawak nito ang duguang mata, mainit-init pa at bagong dukot lang.
Kalalaking tao ni Alex ay napasigaw siya. Nagtatarang.
“Ibalik mo ang mata niya. Ibalik mo!”
Napaatras si Alex lalo pa’t nakita niya na parang bola na itinapon ng babae sa bangin ang dinukot na mata.
Kasunod niyon ay nakangising humarap sa kanya.
Nag-iba ang anyo nito. Nangagtayuan ang mga buhok nito at nilabasan ng naglalakihang ugat ang mukha at katawan. “Magandang gabi!” Lumitaw ang madugong gilagid at mga pangil na sala-salabat ang tubo. Mistulang bangenge sa napanood niyang horror film.
Nag-beautiful eyes pa sa kanya ang babae.
Kitang-kita niya rin kung paano lumuwa ang mata ng babae. Halos humiwalay ang eyeball nito. “Akina ang mata mo… akin ang mata mo,” sabi nito.
Dumila ang babae, at kitang-kita niya nang humaba ang dila nito at nahati sa dalawa. Todo sindak na nagtatakbo si Alex. Tama si Kevin, bilisan niya ang takbo. Tama si Ed, huwag siyang pipikit. Dahil sa kanyang pagpikit, lulukuban siya ng dilim, at hindi na siya puwedeng magising… hindi na puwedeng magbalik.
Minsan nang naisulat, ang sinumang makakita sa bangungot na mukhang ito ay hindi na makakabalik ang buhay.