affiliate marketing

Pages

Morgue

NAKAHILERANG mga bangkay Babae, Lalaki, Bata, Matanda, Maganda, Pangit. Namatay, Pinatay. Namatay nang natural. Namatay sa sakit. Namatay sa aksidente.

Araw-araw, iba’t ibang klase ng mga bangkay ang kasama ni Ispin. Nililinis niya. Pinaliliguan.

Iyon ang trabaho niya sa morgue ng mumurahing ospital na iyon sa probinsiya nila. Isa siya sa mga assistants ng tiyuhing embalsamador.

Noong una ay natatakot siya, Pero nang lumaon, naging ordinaryo na lang sa kanya ang tumingin at humawak sa katawan ng mga patay. Hindi na niya napapanaginipan ang mga ito tulad noong una. Hindi na siya binabangungot sa itsura ng mga mukha at katawang dineporma ng krimen at mga sakuna.

Isang gabing malakas ang ulan ay naging napakaabala ng mga tauhan sa morgue. May aksidenteng naganap hindi kalayuan sa ospital. Marami ang patay. Hindi halos makapagpahinga si Ispin. Umiikot na ang paningin niya sa pagod ay dating at dating pa rin ang mga bangkay na kailangang asikasuhin.

May bombang sumabog sa loob ng punung-punong bus mula sa kanilang probinsiya patungong Maynila. Ang sabi ay masasamang-loob daw ang gumawa noon.

May nagsabi naman na isang natanggal na drayber ng bus company ang nag-iwan ng bomba para makaganti.

Pero ang lahat ng iyon ay hindi mahalaga kay Ispin. Ang alam niya ay marami siyang kailangang trabahuhin. Mga katawang naputol at nagkahiwa-hiwalay. Mga mukhang nasunog. Mga balat na humiwalay sa laman. Kailangan niyang maging napakaingat sa paglilinis ng mga bangkay upang mapreserba ang maayos na anyo ng mga ito.

Bandang hatinggabi ay isa na lamang siya na naiwan sa morgue. Ang dalawa pang assistant ay kinatulong ng embalsamador na amain para tingnan ang mga bagong dating na bangkay na hindi na maaaring pagkasyahin sa morgue.

Hindi naman matatakutin si Ispin. Matagal na siya sa trabaho at talagang balewala na sa kanya ang mapaligiran ng mga patay. Ngunit isang matandang babae ang numakaw ng kanyang pansin. Kulubot na ang balat nito at maraming pileges ang mukha pero sa kutis ay mahihinuhang mayaman. Sa tantiya niya ay nasa lampas sisenta na ang babae. Kung bakit niya ito napagtuunan ng pansin ay sapagkat kakaiba ito. Sa lahat ng mga dinalang bangkay sa morgue, ito lang bukod sa lahat ang nanatiling dilat.

Ilang beses tinangka ni Ispin na isara ang mga mata ng matanda pero nabigo siya. Nanatiling dilat iyon. Parang nakatingin sa kanya. Kahit ano ang gawin niya, kapag napapatingin siya sa kinaroroonan ng babae ay tila tinitingnan siya nito. Kinilabutan tuloy siya.

Hindi pa minsan man ginawa ni Ispin pero sa pagkakataong iyon ay kumuha siya ng pantakip sa mukha ng babae. Kung maaari lang ay alisin niya ito roon dahil nagbibigay ng kilabot sa kanya kahit ang presensiya ng bangkay nito.

Kaytagal ng paglipas ng oras. Inip na inip na si Ispin.

“A-ang tagal naman nila,” sabi niya sa sarili habang pinapahid ang tumutulong pawis sa gilid ng noo.

Nang matigilan siya…

Nakaramdam siya ng kaluskos mula sa kanyang likuran. Lumingon siya. Walang tao.

Umalon ang dibdib ni Ispin. Ibig niyang lumabas ng morgue pero tila napako ang mga paa niya sa sahig. Hindi na siya makagalaw. Nagtangka siyang magsalita pero wala ring lumabas na tinig sa mga labi. Gusto niyang sumigaw pero ni ayaw nang bumuka ng kanyang bibig.

Butil-butil na ang pawis niya. Hindi niya alam kung ano at kung bakit nangyayari ang gayong karanasan. Pumikit siya.

“Kung panaginip ito… gisingin Mo na po ako. Gisingin mo na ako,” sa isip ay sabi niya.

Napapitlag siya nang may humawak sa kanyang balikat. Malamig ang kamay noon.

Nanigas ang kanyang mga panga. Nangatog ang buong katawan. At dala marahil ng sobrang pagod at matinding takot, hinimatay siya.

“ISPIN, Ispin!”

Hindi ang boses ang nagpabalik sa diwa ni Ispin. Ibinalik ang malay niya nang malamig na tubig na ibinuhos sa kanyang mukha.

“Haaalps!” parang malulunod na sabi ni Ispin na hinabol ang paghinga.

“Ano’ng nangyari sa iyo?” tanong ni Tiyo Edong, ang amain niyang embalsamador. “Ang akala ko, patay ka na rin.”

“At may takip ka pang tela sa mukha!” napapailing na sambit ng isa sa mga assistant sa morgue tulad niya.

“T-takip… tela?” at nahawakan pa niya ang dalawang pisngi sa kawalang paniwala. Ang alam niya, ang kinuha niyang tela ay itinakip niya sa mukha ng matandang dilat ang mga mata.

Masasal ang dibdib na lumingon siya sa kinaroroonan ng babae. Wala na ito sa dating puwesto.

“A-ang m-matandang babae diyan… nasaan na?” usisa niya.

Inginuso ng isang kasamahan ang isa pang assistant.

Kasalukuyang inilalagay nito sa freezer ang bangkay ng matandang babae.

“Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko,” ani Tiyo Edong. “Ano kako ang nangyari sa iyo at dinatnan kita ritong nakatihaya riyan eh ang dami-daming gagawin?”

“H-hindi ko alam, Tiyo Edong. B-baka nasobrahan na lang din ako ng pagod,” pagsisinungaling niya.

Tinanggap ng tiyuhin ang katwiran niya. Pinayagan pa siya nitong makauwi muna para mag pahinga.

“Dito na lang ako. Kaya ko pa,” sabi niya. “Mag papahinga lang ako sandali.”

Tiningnan siya ng tiyuhin at nang matiyak na wala talaga siyang balak umuwi ay ipinagpatuloy na nito ang pag-aasikaso sa naroong mga bangkay.

Habang pinanonood ang eskpertong mga kamay ni Tiyo Edong sa pag-eembalsamo ay tuksong lumarawan sa isip ni Ispin ang tungkol sa nakadilat na mga mata ng matandang babae. Malinaw ring bumalik sa alaala niya kung bakit siya hinimatay. May humawak sa balikat niya at sa sobrang takot ay nawalan siya ng malay. Imposible namang ang tiyuhin niya iyon o ang sinuman sa mga kasamang assistant sa morgue. Ang sabi ng mga ito ay dinatnan siyang nakahiga sa sahig.

Malikot ang mga mata ni Ispin na dumako sa dating puwesto ng matanda. Bakante na iyon at ilan pa ring mga bangkay ang wala na sa dating kinalalagyan.

Hindi mapakali si Ispin. May kung anong bagay na ayaw mag-patahimik sa kanya. Parang nakadikit sa utak niya ang itsura ng matanda. Dilat ang mga mata. Parang nakatingin sa kanya.

May kung anong nagtulak sa kanya para silipin ang matanda sa loob ng freezer.

“Huh?!” gulat na sambit ni Ispin nang makita ang bangkay sa freezer. Hindi iyon ang bangkay ng matanda.

“T-Tiyong… hindi ito ang… huh?!” napatid ang boses ni Ispin nang makitang hindi si Tiyo Edong at hindi rin ang dalawang kasamahang assistants ang naroon.

Ibang mga nilalang ang nasa loob ng morgue.

Dilat ang mata ng mga iyon. Hindi kumukurap. Galit na nakatingin sa kanya. Napaurong si Ispin. Dahil hindi nakikita ang inuurungan ay napatid siya sa mga bangkay na ang iba ay nasa lapag na lang. Bumagsak siya. Patihaya.

Patuloy ang paglapit ng mga nilalang. Ngayon ay malinaw nang nalalarawan sa nasisindak na diwa ni Ispin ang anyo ng mga ito.

Dilat ang nanlalaking mga mata. May pileges ang mga mukha pero parang pang mayaman ang mga kutis.

Pero hindi lang iyon. Ang malalaking itim sa mata ng mga ito ay nagrerehistro ng baligtad na anyo ng kaharap.

Sinikap tumayo ni Ispin. Kailangan niyang tumakas.

Pero hindi na niya nagawa. Pinaligiran siya ng mga bangkay. Niligis siya. Tinigilan lang siya ng mga ito nang matiyak na wala na siyang hininga.

GULAT na gulat si Tiyo Edong at tatlo pang kasamahan ni Ispin nang datnan nilang malamig na bangkay ang binata. Dilat ang mga mata ni Ispin na parang nakakita ng isang nakasisindak na pangyayari. Lasog din ang katawan nito na parang binugbog at pinagtatapakan.

Kung paano nangyari ay walang makapag sabi. Tanging mga bangkay ang saksi sa naging kamatayan ni Ispin.

Ang natiyak lang nila, may mga bangkay na nawawala na unang kasama sa kanilang bilang. Mga bangkay na hindi na natagpuan kahit kailan.