affiliate marketing

Pages

Movie Addict

Napalingon ako at nakita kong nakababa ang seat ng upuan na parang may nakaupo o nakadagan dito. Maya-maya lang, may tawanan akong narinig sa palibot ko…

Noong bata pa ako, madalas magkuwento si Tatang ng napanood niyang sine sa Maynila noong kumukuha siya ng Medisina sa UP. Wala pang kuryente noon sa baryo namin kaya walang sinehan at wala pa ring TV. Sa kuwentuhan na lang nagkaka-sundo.

Kaya lumaki akong mahilig manood ng sine. Noong nasa high school pa ako, nagawa kong huwag pumasok sa eskuwela dahil showing ang magandang pe1iku1a. Maglalakwatsa ako sa bayan para manood ng sine.Trenta pesos lang ang isang palabas.

Mura dahil late ang palabas ng isang buwan sa release nito sa Maynila. Kung Ingles naman ay double program dahil nineteen-kopong-kopong pa ang karamihan. Isa pa’y luma na rin ang sinehan at halos pasara na. Dito ako laging nanonood dahil fifteen-minute walk lang ito mula sa eskuwelahan namin.

Hanggang sa mag-college ako ay dala-dala ko pa rin ang hilig kong ito. Sa Angeles kasi, ang daming mga sinehan. Tuwing Miyerkules ang change program ng mga Ingles na double program samantalang Lunes naman ang mga Tagalog. Lahat ito ay inuubos ko. Para makatipid, binarkada ko ang mga bantay sa mga sinehan lalo na iyong sa mga Ingles. Paglabas sa eskuwela ng alas-nuwebe, tuloy na ako sa sinehan. Sarado na sa oras na iyon kaya binibigyan ko na lang ng panigarilyo iyong guwardiya para papasukin ako. Ang , siste, kadalasan ay wala akong nabubuong pelikula dahil iyong last portion na lang ang napapanood ko sa isa at iyong unang portion lang sa ka-double dahil magsasara na ang sinehan dahil alas onse na.

Pero natigil ang libangan kong iyon matapos kong maranasan ang isang kababalaghang hanggang ngayon, sa tuwing naaalala ko, ay pinangingilabutan ako.

Konektado na ako noon sa isang malaking bangko sa Makati. Nadestino ako bilang isang temporary accountant sa Tacloban dahil nagkasakit iyong regular accountant ng aming Tacloban Branch. Dahil si Imelda pa ang First Lady noon, asenso talaga ang Tacloban City. Lahat ng malalaking bangko ay may branch sa Tacloban at marami ring sinehan. Ayos na naman ang hilig ko.

Nang makapag-adjust na ako sa bagong environment, inisa-isa ko nang pasukin ang mga sinehan pati iyong mga luma na sa tingin ko ay talagang magsasara na. Dito nangyari ang karanasan kong nakakatakot.

Sa unang pasok ko, Young Frankenstein ang palabas. Si Gene Wilder at Mel Brooks. Comedy. Sigurado masaya ito. Hindi ko na matandaan ang ka-double dahil nga sa pangyayaring naganap. Maluwang ang sinehan pero ang mga silya ay yari sa kahoy at mukhang hindi na nililinis dahil puno ng alikabok. Pag-upo mo ay huwag ka nang gagalaw dahil magiging trapo ang pantalon mo. Kalalabas ko lang noon sa opisina galing sa pag-o-overtime sa bangko at nakaupo ako noon sa orchestra. Nakapagsimula na ang Young Frankenstein ng mga beinte minutos nang may magkasintahang naupo malapit sa akin, na hindi ko naman gaanong pinansin ang itsura dahil excited na ako sa jokes ni Gene Wilder. Pero dahil maingay at mukhang nag-aaway ang dalawa ay lumipat ako sa bandang itaas. Ilang minuto pa ay tumayo ang babae at iniwan ang nobyo. Sumunod na rin ang lalaki na parang nawalan na ng ganang manood. Naiwan tuloy akong mag-isa sa balcony, na hindi naman big deal sa akin.

Nang nasa kalagitnaan ng palabas ay na-distract ako ng paggalaw ng upuan sa aking tabi. Napalingon ako at nakita kong nakababa ang seat ng upuan na parang may nakaupo o nakadagan dito. Sa malamlam na liwanag na nagmumula sa screen ay masasabi kong bakante ang upuan. Walang tao sa balcony maliban sa akin. Kasunod niyon ay bumaba na rin ang mga katabing upuan na tila maraming dumating para manood. Maya-maya lang, may tawanan akong narinig sa palibot ko. Hindi ako makatawa sa jokes ni Gene Wilder dahil parang kumapal ang buhok ko sa takot kaya dali-dali na akong tumayo at tumakbo palabas ng balcony. Tuluy-tuloy akong lumabas sa sinehan.

Namumutla ako hanggang sa makarating ako sa bahay. Takang-taka ang Nanay ko kung bakit wala sa oras ang uwi ko. Ikinuwento ko sa kanya ang nangyari sa sinehan.

“A meron nga raw diyan. Isang mini-bus silang galing sa Ormoc para manood ng sine dito. Namasyal din sila sa McArthur Park. Pero nang pabalik na sila sa Ormoc, nasalubong nila ‘yung flashflood na pumatay ng napakaraming tao. Kasama ‘yung bus nilang nahulog sa bundok at marami sa kanila ang hindi na nakita. Marami nga rin ang mga hindi nakilala sa mga bangkay. Parang nagre-reunion sila sa sinehan na iyan paminsan-minsan. O inaapoy ka ng lagnat. Mabuti pa magpahinga ka na.”

Mula noon, hindi na ako nanood ng sine…sa lugar na iyon. Hinding-hindi ko na rin nakalimutan ang kakatwang karanasan na iyon.