affiliate marketing

Pages

Kabaong

Isang kababalaghan at nakakatakot na karanasan ang kailangan pang maganap kay Artemio para ituwid niya ang maling pamamaraan sa kanyang hanapbuhay.

MAY-ARI ako ng isang funeral parlor sa aming lalawigan. Ang negosyong iyon ay namana ko pa sa aking yumaong ama. Nang ako ang mamahala niyon, napaunlad ko naman iyon dahil sa modus operandi na ginagawa ko. Tutol ang aking asawa roon pero hindi ko na lang pinapansin ang pagsalungat niya dahil doon ako nakakatipid at tumutubo nang malaki.

Hindi naman ako ang aktuwal na gumagawa ng raket na naisip ko kundi ang mga supplier ko na dalawang sepulturero ng malalaking sementeryo sa aming lalawigan. Ninanakaw nila ang kabaong mula sa mga kalilibing lang na bangkay sa nasasakop nilang sementeryo at ipinagbibili iyon sa akin sa halagang sagad ang ginagawa kong pagtawad sa presyo.

Noong una, wala akong ideya sa ganoong bagay, pero napag-isip-isip kong pabor iyon sa takbo ng aking negosyo. Sa panahon ngayon na uso ang ukay-ukay, o mga segunda manong ibinebenta sa mga mamimili, bakit nga ba hindi ako magbenta ng segunda manong kabaong? Pero hindi sa presyong secondhand kundi sa bago.

“Hindi ka ba nakokonsiyensiya sa ginagawa mo, Artemio?” palaging sinasabi sa akin ng asawa kong si Monica. “Binili na ng mga kaanak ng namatay ang ataul na ninakaw ng mga sepulturerong iyon, binibili mo naman para ibenta sa iba?”

“Monica, sa panahon ngayon, kailangang gumamit din ng kaunting katusuan sa negosyo natin. Mas malaki ang puhunan ko kapag nagpapagawa ako ng mga kabaong na ibinebenta pero dito, tumutubo ako nang malaki. Alam mo naman, may mga namamatayan na sobra kung tumawad sa kabaong at serbisyo. Dito lang ako nakakabawi.”

“Pero paglapastangan sa patay ang ginagawa ng dalawang sepulturero na nagbebenta sa iyo niyan! Kung ikaw ang kamag-anak ng namatayan, ano na lang ang mararamdaman mo?”

“Sino ba sa mga nagpapalibing ng kanilang patay ang ipinahuhukay uli ang bangkay kapag naihatid na sa huling hantungan maliban doon sa mga biktima ng krimen na ine-exhume ang bangkay para muling suriin? Wala, “di ba? Paano nila malalaman na nawawala ang kabaong ng kanilang patay?”

“Kahit na. Dapat ka pa ring makonsiyensiya. Patay na sila, ninanakawan pa.”

“Ang mas masama ay iyong buhay ang nanakawan, tapos ay papatayin. Ang ginagawa ko ay para hindi masayang ang kabaong na kakainin lamang ng anay o kakalawangin sa hukay.”

Praktikalidad ang palagi kong rason at justification sa aking raket. Katwirang inaayunan ng mga taong praktikal din ang pag-iisip na katulad ko. Nagpatuloy ako sa aking ginagawa sa kabila ng pagtutol ng aking asawa.

“Bossing, may dala kami sa iyo at tiyak na matutuwa ka,” sabi ni Mulong na isa sa mga nagbebenta sa akin ng secondhand na kabaong.

Nang ilabas na niya mula sa loob ng sinasakyan niyang closed van ang kabaong, nagulat ako. Isang mamahaling ataul ang dala niya na yari sa salamin at bronze. May nakaukit din na disenyo sa tagiliran niyon na gamit ang nagkikislapang hiyas.

“Ganito ang pangarap kong maging himlayan kapag namatay ako,” biro ko kay Mulong.

“Paano, Bossing, di malaki-laki ang presyo mo sa dala ko ngayon?”

Nagsimula kaming magtawaran ni Mulong. Dahil alam ko ang presyuhan ng ganoong mamahaling kabaong, naging madali sa akin ang pagbarat sa kanya ng halaga niyon. Sa dakong huli, pumayag na rin siya sa huling tawad ko na alam ko namang tubong-lugaw pa ako. Nang iwan na niya ang kabaong, naghanap na ako ng malulugaran niyon. Para sa akin ay espesyal iyon para isama ko sa mga ordinaryo lamang, bukod pa sa baka maging mainit iyon sa mga mata ng mga kalaban kong funeral parlor sa aming probinsiya. Lingid sa kaalaman ng aking asawa, itinago ko iyon sa isang silid sa basement ng bahay ko.

Habang nakahiga ako katabi ni Monica, iniisip ko pa rin ang nabili kong kabaong at sa malaking halaga na maaari kong mapagbentahan doon.

NASA loob ako ng aming funeral parlor nang makaramdam ako ng pagkaliyo. Ang sumunod doon ay hindi ko na natatandaan. Nang magkamalay ako, nasa loob na ako ng ospital at nasa tabi ko si Monica na nagbabantay sa akin.

“A-ano ang nangyari?” tanong ko sa kanya.

“Bigla ka na lang natumba kaya isinugod ka namin dito sa ospital,” tugon niya.

“A-ano ang sabi ng doktor?”

“Na-stroke ka raw. Mabuti na lang at mild lang at agad kang naka-recover.”

Bigla kong naalala ang aking ama at mga nakatatandang kapatid. Stroke din ang kanilang ikinamatay. Kinabahan ako. Sanay man ako sa amoy ng taong namatay, dahil iyon ang negosyo ko, hindi ko rin maiwasang kilabutan, lalo na at nai-imagine ko na ako na ang nasa loob ng kabaong. Gusto ko pang mabuhay nang matagal at napakaaga pa para sa edad kong kuwarenta para mamatay. Sesenta y sais nang yumao ang tatay ko. Singkuwenta y singko naman si Kuyang Daning at singkuwenta si Dikong Uding.

Nang gabing iyon, naiwan akong nag-iisa sa silid ng ospital. Umuwi na kasi ang aking asawa upang tingnan naman ang mga anak namin sa bahay. Napansin ko na pumapatak ang ulan na tanaw ko sa bintana ng aking silid. Ipinikit ko ang aking mga mata para matulog pero sa dami ng mga iniisip ko ay ayaw akong dalawin ng antok.

Nagulat ako nang dalawang lalaki na nakaterno ng itim na damit ang pumasok sa aking silid. Hindi ko sila kilala pero tila ako ang pakay nila. Paglapit nila sa akin ay binuhat agad nila ako at inilagay sa stretcher.

“Bakit?” tanong ko sa kanila. Subalit wala man lamang umimik sa mga ito.

Naalarma ako sa ginawa nila sa akin. Hindi naman sila mukhang doktor o hospital attendant. Itinulak nila palabas ang stretcher na kinahihigaan ko.

“Saan ninyo ako dadalhin?” tanong ko uli. Pero tila mga pipi ang dalawa na awtomatiko ang ginagawang kilos.

Nakapagtataka na tila walang nakakapansin sa amin gayong dinaraanan namin ang mga doktor at nurse ng ospital. Nakalagpas din kami sa guwardiya ng ospital gayong nagbabantay naman siya sa pinto.

Sa labas, nanghilakbot ako dahil isang magarang karo ng patay ang naghihintay. Natiyak ko na doon ako isasakay ng dalawa pero kahit ano ang gawin ko ay hindi ko magawang makakawala. Tila namanhid na ang aking buong katawan. Binuksan nila ang pinto ng karo. Sa loob niyon ay nakita ko ang isang magandang kabaong na kamukha ng binili ko kay Mulong. Doon nila ako inihiga sa kabila ng pagsigaw ko.

“Hindi pa ako patay! Huwag ninyo akong ilagay sa kabaong!”

Nilunod lamang ng katahimikan ang aking pagsigaw. Naramdaman ko na umandar ang karo. Mabagal lamang ang takbo niyon na sinabayan ng tugtog ng punebre na pumailanlang sa aking pandinig. Nagsala-salabat na ang aking pangitain habang sakay ng karo. Mga eksenang halos magpabaliw sa aking matinong isipan. Takot, kilabot, panginginig at panlalamig ng katawan ang aking nadama. Ilang sandali lamang ay naramdaman ko uling huminto ang karo pero patuloy pa rin ang pagtugtog ng punebre. Mayamaya ay bumukas ang pinto ng karo. Isang lalaking hindi ko nakikilala at nakasuot ng puting amerikana ang dumukwang sa kabaong na kinaroroonan ko.

“Hindi ba’t ang kabaong na ito ang pangarap mong maging himlayan?” sabi niya sa akin.

“Hindi pa ako patay! Huwag ninyo akong ilibing!” pasigaw na sabi ko sa kanya.

Ngumiti ang lalaki pero sapat na ang bahagyang pagbuka ng bibig niya para magkandahulog ang mga uod na kumikiwal-kiwal pa na nagbagsakan sa aking mukha, na higit na ikinasindak ko. May bumuhat sa kabaong na kinahihigaan ko mga lalaki na pawang nakasuot ng puting pamburol. Dinala nila ako sa isang bukas na nitso. Itinulak at ipinasok nila sa loob niyon ang kabaong. Dumilim ang aking paligid. Sumigaw ako hanggang sa halos mamaos at mawalan na ako ng boses.

Noon ako nakadinig ng papalapit na mga yabag. Sumindi ang ilaw. Bigla ring nagliwanag ang paligid ko. Nakita ko ang asawa ko na nagulat pagkakita sa akin.

“Ano’ng ginagawa mo riyan? Bakit ka nakahiga sa kabaong?” tanong niya habang napapaantanda.

“M-may dumukot sa akin sa ospital at inihiga ako rito saka inilibing,” takot na takot na tugon ko.

“Anong ospital? Anong inilibing? Nagising na lang ako na wala ka sa tabi ko kaya hinanap kita. Mabuti na lang at may naulinigan akong boses dito kaya bumaba ako.”

Noon naglinaw sa aking isip na isang bangungot lang ang naganap na pangyayari. Pero kung bunga iyon ng panaginip, bakit ako napunta sa pinaglagakan ko ng kabaong sa basement? Sino ang nagdala sa akin doon?

Nang bumangon ako mula sa kabaong na nabili ko kay Mulong, may naramdaman akong gumagalaw sa kuwelyo ng suot kong pantulog. Kinapa ko iyon hanggang sa nadurog iyon sa aking palad.

“U-uod!” diring-diring bulalas ko.

Isang misteryo ang naganap sa akin. Hiwagang hindi ko mabigyan ng kasagutan. Pero iyon ang naging Simula para itigil ko na ang aking masamang ginagawa.

Isang araw, may babae na asawa ng isang basurero ang umiiyak at nagmamakaawa sa akin na pautangin siya ng kabaong na paglalagakan ng kanyang namatay na asawa. Nagulat ang maraming nakakita dahil isang napakagandang kabaong ang ibinigay ko nang libre sa kanya. Ang kabaong na nabili ko kay Mulong. Libreng serbisyo rin ang ipinagkaloob ko sa yumao ng biyuda. Sa ngayon, hindi na tubo ang aking priyoridad sa aking negosyo. Kumita lang ako nang kaunti ay sapat na sa akin basta malinis lang ang aking konsiyensiya.