Kung magiging observant lang si Michelle, marahil ay makikita niya ang labis na sakit na umaalipin noon sa bestfriend niyang si Jerry. Ang dahilan ay ang pinasabog ni Michelle na ayon dito’y good news.
Ngunit ang good news nagmistulang balaraw na tumarak sa dibdib ni Jerry. Katotohanan iyong pinakalilihim-lihim ng binata.
Sina Michelle at Jerry ay best of friends since grade school. Sa iisang school sila nag-aral Simula prep at maging sa kolehiyo ay sadyang sumunod si Jerry sa university na pinili ni Michelle.
May lihim na pagmamahal si Jerry sa kaibigang matalik. Sa kasamaang-palad, hindi mutual ang damdamin nila. Sa katunayan ay ibinalita ni Michelle sa kaibigan na sinagot na nito ang two year old suitor na si Maui. Mag-boyfriend na ang dalawa.
“I’m happy for you, bestfriend.”
“Thanks, Bro. Alam ko naman ‘yon. But it doesn’t mean na magbabago na ang lahat sa atin. Tayo pa rin ang best of friends, right?”
“Of course. Oo naman siyempre. Wala na akong makikitang bestfriend na tulad mo.”
“Wow naman! Touched naman ako d’yan. Love you.”
Naglalambing na niyakap-yakap pa ni Michelle ang kaibigan. Wala itong kaalam-alam sa tunay na saloobin ni Jerry nang mga sandaling iyon.
Iyon ang Simula ng biglang pagbabago ng mood ni Jerry. Naging malulungkutin ito. Na walang magbabago sa pagkakaibigan nila ni Michelle ay hindi ganoon ang nangyari.
Magmula nang maging official boyfriend ni Michelle si Maui ay bihira nang magkasama sa mga lakaran ang magkaibigan. Kung dati ay sinusundo ni Jerry si Michelle after office, ngayo’y ang boyfriend na nito ang gumagawa niyon.
Mula sa trabaho, walang ganang umuuwi na lang ng bahay si Jerry. Manonood o makikinig ng sounds sa loob ng sariling silid. Hanggang mag-umaga ay halos hindi ito dalawin ng antok.
Sa tuwina’y naghihintay lang ng text message o tawag si Jerry mula sa kaibigan. Iniwasan na nito ang maunang gumawa niyon. Nangangamba kasi siyang baka masamain iyon ng boyfriend ni Michelle.
Isang hapon ay kusang tinext ni Jerry si Michelle. Agad nag-reply ang dalaga.
Sunduin u me mya after oils tok us
Saglit nagdalawang-isip si Jerry kung papayag sa gusto ni Michelle. Sahuli’y nanaig din ang pananabik nito na makita ang kaibigan na lihim na iniibig.
Mula sa office ni Michelle ay sa paboritong pizza house sila humantong.
“Are you sure hindi magagalit si Maui?”
“Nagpaalam ako sa kanya. Sinabi kong kailangan nating magkita dahil may importante tayong pag-uusapan. Tell me nga… bakit hindi ko alam na may plano ka palang?”
Nagkibit-balikat pa si Jerry.
“Biglaan lang. Maganda ang offer kaya grab ko na. Sayang.” Pilit hinuli ni Michelle ang tingin ng kaibigan.
“Iyon ba talaga ang totoong dahilan?”
“Oo naman. Ano pa kaya?”
Pagkuwa’y umingos dito si Michelle.
“Kainis ka d’yan! Iiwan mo na pala ‘ko.”
Biglang nangilid ang luha ni Michelle at kitang-kita iyon ni Jerry.
“O, bakit ka umiiyak d’yan? Mamaya mo makita tayo ng boyfriend mo.. .isipin no’n kung ano’ng ginawako.”
“Kelan ba’ng alis mo?”
“Wala pa pero…soon.”
“Kainis ka talaga! Huwag na huwag kang aalis na hindi nagpapaalam sa ‘kin d’yan.”
“Oo naman siyempre.”
“At ihahatid ka namin sa…”
“Nope. Walang maghahatid sa ‘kin kahit sino. Ayoko.”
Naghiwalay sila na may pangakong hindi aalis si Jerry nang hindi nagpapaalam ng maayos sa kaibigan.
Nang mga sumunod na araw ay naging busy na si Jerry sa pag-aayos ng mga papeles. At sadya nitong hindi sinasagot ang mga text messages ni Michelle. Hanggang maaari ay gusto ni Jerry na manahimik hanggang sa araw ng kaniyang paglipad patungong ibang bansa.
Hanggang isang gabi. May pagka-desperada at galit na ang text message ni Michelle na nabasa ni Jerry.
Bkt u gnyan? Ndi u nb me tinu2ring n bstfrnd?
Dahil nagmamahal ay naantig naman ang loob ng pusong nagmamahal ni Jerry. Napilitan itong mag-reply sa kaibigan.
Wg u mglit, frnd. Ngpromis me n mgpaalam sau once paalis n me, db?
Marami pang sumunod na text messages si Michelle. Patunay na masama ang loob nito sa biglang panlalamig ng kaibigan. Ngunit hindi na iyon sinagot pa ni Jerry.
Hustong isang buwan magmula nang magsabi si Jerry kay Michelle na mag-aabroad, may natanggap natawag si Michelle sa kanyang cellphone. Nasa opisina noon ang dalaga.
“Hello? Hello…? Jerry.. .hello?”
Choppy kasi ang linya. At maugong masyado.
“Hello, Jerry? Nasaan ka ba? Ang ingay naman hindi kita marinig, e.”
“Ngaun na ang alis ko, friend. Goodbye.”
“What? Hello? Hello.. Jerry.. .hello?”
Ngunit putol na ang linya nito. Nag-busy tone na ang kanyang cellphone. Hindi nag-atubili si Michelle natawagan si Jerry. Ngunit nabigo ito. Naka-off na ang cellphone. Can not be reached na ito.
“Walanghiyang ‘yon! Ngayon na ang alis tapos.. .hindi ko na siya babatiin kahit kailan promise!”
Totoong nagalit si Michelle sa kaibigan. Dahil hindi ganoon ang inaasahan nitong paalamang mangyayari sa kanila.
Naging mainit na ang ulo ni Michelle sa buong maghapon. Para mabigla sa ibinalita ng ina pagdating niya sa kanilang bahay.
“Nagbibiro ba kayo?”
“Ang ibig mong sabihin hindi mo pa alam?”
“Mommy, hindi maganda ang mood ko kaya huwag ninyo akong biruin ng…”
“Bakit kita bibiruin? Patay na ang kaibigan mo.. .patay na si Jerry kaninang umaga. Ang Kuya mo nando’n na ngayon at makikiramay. Hindi nga rin makapaniwala.”
Saglit na hindi nakakilos si Michelle sa kintatayuan.
“Kausap ko lang kanina sa cellphone si Jerry, Mommy.
“Kanina?”
“Baka nagkakamali ka. Kanina siya namatay. Naaksidente daw. Hindi malinaw sa akin ang detalye. Magbihis ka na at kung gusto mo’y sasamahan kitang pumunta roon.”
Bukod kina Michelle at Jerry, close ding totoo ang kanilang mga pamilya. Kaya nabigla ang lahat sa nangyari kay Jerry.
Kung hindi pa nakita mismo ng dalawang mga mata ni Michelle ang katawan ni Jerry sa loob ng kabaong ay hindi pa ito maniniwala.
Patay na nga si Jerry. Ayon sa balita, papunta ito sa embassy nang masagasaan ng isang bus. Dead on the spot si Jerry.
Hindi mapaniwalaan ni Michelle ang naganap. Hindi rin niya maunawaan kung paano pa nakatawag sa kanya si Jerry. Bagay na hindi niya maigiit sabihin kanino man.
Sa tabi ng kabaong ni Jerry ay hindi nagpaawat ang mga luha ni Michelle. Halos managhoy ang dalaga sa nangyari sa bestfriend.
Hindi pa sana uuwi si Michelle kundi pinilit ng ina ni Jerry na magpahinga na muna. Dahil baka kung mapaano ito sa walang tigil na pag-iyak.
Nang nasa sariling silid na si Michelle, saka niya naisip natingnan ang cellphone. Nginig ang mga kamay nitong pinindot ang menu upang tingnan ang received calls.
Sa buong pagtataka ni Michelle, hindi naka-register ang cellphone number ni Jerry sa received call.
Paano nangyari iyon? Talaga namang tinawagan niya ako kanina, a? Number niya ang ginamit niya pero… bakit hindi naka-register dito?Hindi ko ino-off ang cell ko kaya hindi puwedeng mabura ang mga…paano nangyari iyon?
Tiningnan niya ang dialed number. Naka-register ang pangalan ni Jerry. Ibig sabihin ay totoong tinawagan niya ito kanina. Ngunit hindi niya makontak.
Mixed emotions ang naramdaman ni Michelle. Hindi niya alam kung ano ang iisipin. Ngunit hindi niya mapasinungalingan ang tawag na natanggap mula kay Jerry.
Lalong napaiyak si Michelle nang maalala ang huling usapan nila ni Jerry. Nangako itong magpapaalam bago umalis.
Pangakong tinupad naman ni Jerry. Lamang, kung buhay pa ito o patay na nang sandaling gawin ang pangakong pagpapaalam ay walang makapagpapatunay.