affiliate marketing

Pages

Unsaved Soul

Unsaved Soul

February 19th, 2010

Halos araw-araw ay dinadalaw ni Ramon ang puntod ng asawa sa pribadong sementeryong iyon sa gawing Quezon City.

A year ago ay namatay ang asawa niyang si Precy dahil sa car accident. Nabangga ang minamaneho nitong kotse nang pauwi na mula sa opisina. Dead on the spot si Precy. May six months pa lang silang nakakasal nang mangyari iyon kaya hanggang sa kasalu-kuyan ay hindi pa rin magawang matanggap ni Ramon ang nangyari sa asawa.

Itinalaga ni Ramon ang sarili na sa abot ng makakaya ay pupuntahan niya palagi ang puntod ng asawa. Sa ganoong paraan man lang ay makasama niya ito sa loob ng ilang minuto bawat araw. Ganoon kamahal ni Ramon ang asawa.

Kung hindi bago pumasok sa opisina, pagkagaling sa opisina ang schedule ng pagpunta nito sa sementeryong kinalilibingan ng asawa.

Sa dalas ng pagpunta ni Ramon sa sementeryo ay napansin nito ang isang lalaki na walang palya rin nitong nakikita na pumupunta sa sementeryong iyon. Lagi itong may bitbit na bulaklak at kandila tulad din niya. Kung minsan ay sampaguita ang dala nito.

Minsang dumaan sa harapan ni Ramon ang nasabing lalaki ay naisipan niya itong batiin.

“Pare, madalas ka rin dito, a.”

Tumango at bahagyang ngumiti ang lalaki. Pagkuwa’ y tumayo si Ramon mula sa kinauupuang damuhan. Inilahad ang isang kamay sa lalaki.

“Ramon, Pare…”

Nakipagkamay ito.

“Guilbert. Sige.”

Iyon lang at itinuloy na ng lalaki ang paglakad. Ang direksyon nito ay sa dulong bahagi ng sementeryo. Doon laging nakikita ni Ramon na nagpupunta ito.

Nang sumunod na mga araw ay nakita pa rin ni Ramon ang lalaki sa iba’t ibang panig ng sementeryong iyon. Ngunit hindi na nagawa ni Ramon na muling kausapin ang lalaki.

Nais pa sana ni Ramon na makakuwentuhan si Guilbert. Malaman kung sino ang palagian nitong dinadalaw doon. Ngunit sa tuwing makikita ito ni Ramon ay nasa malayong bahagi si Guilbert. Madalas din na malayo ang tingin nito kaya nahihiya naman siya na istorbohin ito.

Isang hapon, araw iyon ng Linggo. Natawag ang atensyon ni Ramon nang isang parating na kotse. Sinundan ng tingin ni Ramon ang pupuntahan ng kotse. Tumuloy ito sa dulong bahagi ng sementeryo.

Natukso si Ramon na mag-usyoso.

“Hon, sandali lang ako ha. D’yan ka lang,” paalam pa nitong sabi sa puntod ng asawa.

Tinalunton ni Ramon ang daan patungo sa dulong bahagi ng sementeryo. Doon nga niya nakitang nakahimpil ang kotse. Sa tapat mismo ng isang musuleo. Tatlong tao ang naroroon sa loob. Nakita rin niya ang mga sariwang bulaklak na marahil ay dala ng mga ito.

Lumingon kay Ramon ang lalaki at bahagyang ngumiti. Gumanti ng ngiti si Ramon at lumakas ang loob na lumapit sa musuleo.

Tatlong magkakatabing puntod ang laman ng musuleo.

“Sa inyo pala ito,” wika ni Ramon na ang pinatutungkulan ay ang lalaking nakangitian.

Lumingon at ngumiti ang dalawang babaeng kasama ng lalaki. May edad na ang isang babae. Yumukod at ngumiti si Ramon sa mga ito.

Sa pagbaling ng mukha ni Ramon, nahagip ng kanyang tingin ang lapida at kapagdaka’y nangunot-noo ito.

“Guilbert?” sambitni Ramon.

“Oo,” sagot ng lalaki. “Bayaw ko siya. Kapatid ko ang asawa niya.. .iyang nasa kabila.”

Ofelia naman ang nakasulat sa kabilang lapida at sa isa pa ay Wency. Muling binalikan ng tingin ni Ramon ang lapidang Guilbert ang nakatitik.

“Ikaw.. .may dinadalaw ka din?”

“Oo, asawa ko.”

“Ganoon ba? Mag-asawarin ‘yan. Last year lang namatay. Up to this minute parang hirap pa rin kaming paniwalaan na patay na sila.”

Ngunit iba na noon ang takbo ng isip ni Ramon.

“Pare, curious lang ako. Huwag mong mamasamain ang itatanong ko kasi…”

“Okay lang. Ano ba ‘yon?”

Nakaupo na sa naroong bench ang dalawang babae at nagkukuwentuhan.

“Iyong Guilbert… ‘yang bayaw mo, a.. .puwede bang i-describe mo ang itsura niya?”

Saglit pang kumunot-noo ang lalaki.

“Well.. .halos kasing taas ko siya. Medyo payat.. .may…”

“May nunal sa dulo ng ilong? Kulot ang buhok… fair complexion?”

“Oo. Kilala mo ba siya?”

Kaagad namutla si Ramon sa natuklasan. Ang ibang katangian ay posibleng nagkataon lang. Ngunit ang prominenteng nunal sa dulo ng ilong at ang pangalan ay sapat ng katunayan.

“Bakit, Pare, may problema ba?”

Napilitang magkuwento ni Ramon sa kanyang karanasan. Maging ang dalawang babae ay na-curious na ring makinig kay Ramon. Hindi halos makapaniwala ang mga ito sa sinabi ni Ramon na madalas niyang makita si Guilbert. Na minsan nga’y nakausap pa niya ito.

Napilitan ang lalaki na magkuwento ng mga bagay tungkol sa mag-asawang nakalibing sa puntod.

Isang kahanga-hangang love story daw mayroon ang mag-asawang Guilbert at Ofelia. Hindi birong hirap ang pinagdaanan ni Guilbert bago sila nagkatuluyan ni Ofelia para paghiwalayin lang pala ng kamatayan.

Namatay si Ofelia sa panganganak. Maging ang sanggol na nagawa nitong isilang ay binawian din ng buhay dahil sa komplikasyon, pagkaraan lang ng ilang oras pagkasilang dito.

Halos mabaliw si Guilbert sa nangyari. Gabi at araw ay umiiyak ito at nagkukulong sa loob ng kuwarto. Hindi kumakain. Hanggang mapilitan sila na dalhin ito sa ospital ng mga baliw. At doon nito tinapos ang sariling buhay. Nagbigti si Guilbert.

Mortal sin na itinuturing ng simbahan ang pagbawi sa sariling buhay. At iyon ang ginawa ni Guilbert. Kaya marahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakakapasok sa dapat puntahan ang kaluluwa ni Guilbert. Ang unsaved soul na marahil ay siyang nakita o nagpakita kay Ramon sa sementeryong iyon.